PatrolPH

Luis Manzano, dumulog sa NBI kaugnay sa umano'y scam ng fuel company

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 10:31 PM

MAYNILA — Ipapatawag ng National Bureau of Investigation ang aktor na si Luis Manzano kaugnay ng imbestigasyon sa kasong estafa laban sa kumpanyang Flex Fuel Petroleum Corporation.

Nagsilbing chairman of the board si Manzano para sa kumpanya hanggang Pebrero 2022.

Ayon sa NBI, may siyam na iba pang investors ang nagsampa ng kaso laban kay Manzano at sa Flex Fuel.

Anila, si Manzano ang humikayat sa kanila na mag-invest sa kumpanya. Hindi rin umano sila sinabihan kapwa ng kumpanya at ni Manzano hinggil sa pagbibitiw nito.

Ayon naman sa kampo ni Manzano, siya mismo ang humingi ng tulong sa NBI para imbestigahan ang Flex Fuel, matapos siyang lapitan ng kaniyang mga investors.

Isa rin umano ang Flex Fuel sa mga kumpanyang may pagkakautang kay Manzano, na aabot sa mahigit P66 milyon.

Depensa pa ni Manzano, ginawa lamang siyang chairman of the board ng kumpanya bilang isa sa mga garantiya sa kaniyang investment. Dagdag pa niya, hindi siya direktang naging bahagi ng pagpapatakbo ng kumpanya.

"Bong (Medel) conducted the business in such a way that operational matters were kept away from me," ani Manzano sa kaniyang affidavit.

Si Ildefonso "Bong" Medel ang Chief Executive Officer ng Flex Fuel.

Ayon din kay Manzano, hanggang ngayon ay may mga lumalapit pa sa kaniya para humingi ng tulong hinggil sa kanilang investment sa Flex Fuel.

"There are still individuals reaching out to me for help and assistance regarding their investments in Flex Fuel," paliwanag ni Manzano.

Tumangging magbigay ng pahayag ang Flex Fuel hinggil sa kaso.

- May ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.