PatrolPH

Pag-apruba sa single ticketing system ikinatuwa ng mga motorista

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 05:18 PM | Updated as of Feb 02 2023 08:35 PM

Watch more News on iWantTFC

Sa isang dekadang pagiging family driver ni Jake Buen, maraming beses na siyang natiketan dahil sa traffic violations sa Metro Manila.

Tuwing nagbabayad ng multa, nauubos umano ang oras niya sa pagpila at pagdayo sa kung saang lungsod siya may paglabag.

"Malaking abala 'yon. Kung online sana, katulad sa bayad center, mas okay sana para tipid sa oras at abala... sa city minsan, umaabot kami kalahating araw," ani Buen.

Aprubado na ng Metro Manila Council (MMC) ang single ticketing system, na magpapadali ng pagbabayad ng mga multa sa traffic violations.

Sa ilalim ng resolusyon, magiging pare-pareho na ang multa sa mga karaniwang traffic violations kahit nasaang lungsod ka pa sa Metro Manila.

Kabilang dito ang disregarding traffic signs, illegal parking, number coding at reckless driving na may standard nang multa.

Pabor sa sistema ang transport network vehicle service (TNVS)
 driver na si Rotelito Banal, na naranasan nang malito sa halaga ng multa.

"Sa Parañaque, 'di ko alam na nahuli pala... Kung iisa lang, alam na namin ang ganyan ang tubos, hindi ‘yong kanya-kanya," ani Banal.

Dahil mababayaran na ang multa online, hindi na kukumpiskahin ang lisensiya ng driver na may paglabag.

"Hindi na kukumpiskahin ang kanilang lisensiya, kung sila man ay matiketan, puwede na silang magbayad kung saan man sila sa Pilipinas, kaya hindi na nangyayari na kailangan pa pumunta sa city hall tubusin ang lisesnya at magbayad nito," ani Metro Manila Council President Francis Zamora.

Sa Abril target ng MMC na maipatupad ang sistema.

Aayusin pa umano ng Metropolitan Manila Development Authority ang integration ng database ng mga lisensiya at pagbili ng mga hardware.

Nakapaloob din sa resolusyon ang no-contact apprehension policy na ipatutupad kung papayagan na ng Supreme Court.

— Ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.