PatrolPH

Meralco bill nagbabadyang magtaas-presyo sa mga susunod na buwan

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2023 05:27 PM

MAYNILA - Todo-kayod ang 72 anyos na si Marcela Rebucas para may pambayad sa paparating na bill sa kuryente. 

Lahat ng puwedeng pagkakitaan, pinapasok na niya para lang may dagdag-kita ang pamilya.

"Kahit wala kang kakainin magbabayad ka ng tubig at ilaw uunahin mo yun kesa pagkain... Dapat maawa naman sila dahil mahal ang bilihin huwag munang sumabay ngayon," ani Rebucas. 

Si Elsa Gomez, nagtatanggal na ng aircon kaya bumaba ang singil sa kuryente. Kaya pa naman umanong magtipid sakaling lalo pang tumaas ang singil sa kuryente. 

"Sana huwag naman na tumaas tsaka kung sa tipid halos lahat yun naman gumagamit yun naman talaga ang gusto magtipid," ani Gomez. 

Pero may pressure na tumaas ang singil ng Meralco sa mga susunod na buwan. Una, tumaas ang presyo ang kuryente sa bagong kontrata ng Meralco sa Aboitiz at pangalawa, obligado muli ang Meralco na bumili ng mas mahal na kuryente sa spot market dahil sa pinakabagong desisyon ng Court of Appeals. 
 
Umalma naman dito ang grupong Power for People Coalition dahil wala umanong silbi dahil nai-expose na naman ang consumers sa mas mahal na kuryente sa gitna ng nagtataasang presyo ng bilihin. 

"It does not serve the people because it exposes consumers to higher electricity prices at a time of high inflation and prices of almost all basic goods," ayon sa convenor ng grupo na si Gerry Arances. 

Giit ng Meralco, wala silang magagawa kung 'di kumuha sa spot market kahit mas mahal dahil kinakailangan ang suplay. 

"Wala naman tayong ibang option kundi patuloy icover yung supply natin para meron tayong maibigay na supply sa consumers na kuryente mula sa merkado," ani Meralco spokesperson Joe Zaldarriaga. 

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.