MAYNILA - Muling nakipagpulong si Bureau of Corrections OIC Gregorio Catapang Jr. kay Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla para sa implementasyon ng mga programa ng BuCor sa ilalim ng Philippine Development Plan na naglalayong pagandahin ang mga pasilidad ng BuCor sa bansa.
Sabi ni Catapang bukod sa pagtatayo ng mga regional facility sa Luzon, Visayas, at Mindanao, magtatayo din ng espesyal na pasilidad para sa mga bilanggo na sangkot sa heinous crimes o karumal-dumal na krimen.
Sa inisyal na plano, itatayo ang heinous crime facility sa isang parte ng Mindoro na malayo sa tao at wala ring signal ng telepono.
“There’s a law that says that we will have a regional colony all over the Philippines - Region I to BARMM. In addition to that, we need to also create a heinous crime facility that will be initially put up in Mindoro,” sabi ni Catapang.
Ayon kay Catapang, magiging mas mahigpit ang seguridad sa mga heinous crime facility na ito ng BuCor.
Bagong mga pasilidad aniya ito na mala-Alcatras ang higpit ng ipatutupad na seguridad.
“Talagang maximum colony wherein monitored lahat. [It's a] top-of-the-line, technology-driven facility that will not allow the inmates to have cellphones, contact with outside people. It will really be well built para hindi tayo nasisingitan ng mga contrabands. Walang signal, malayo sa tao and then well guarded,” sabi ni Catapang.
Ngayong taon, plano ng BuCor na mailipat na ang nasa 7,500 bilanggo mula sa Medium Security Compound ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa patungo sa mga penal colony sa Davao, Palawan, at Leyte.
Sa kabila naman ng unang anunsyo ni Remulla na oras na lang o araw ang bibilangin, wala pa ring lumalabas na appointment papers ni Catapang para maging permanenteng hepe na BuCor.
Sabi ni Catapang, hindi na niya inusisa ito kay Remulla dahil naka-focus naman aniya siya sa trabaho bilang OIC ng BuCor.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
BuCor, Bureau of Corrections, Gregorio Catapang Jr., Boying Remulla, Department of Justice, DOJ, Tagalog news