MAYNILA — Tatlo ang patay matapos pagbabarilin ang kanilang sasakyan sa Pasay City nitong Huwebes.
Ayon kay Pasay City police chief investigator Capt. Dennis Desalisa, 1 babae at 2 lakaki ang nakitang duguan at patay sa loob ng puting Honda Civic sa bahagi ng Don Carlos Village, Barangay 190 pasado alas-12 ng hatinggabi.
Nasa 20 basyo ng bala mula sa .45 calibre na baril ang nakita sa crime scene.
“Nakahinto naman ‘yung sasakyan eh, parang talagang may hinihintay,” ani Desalisa.
“Based on witness, nakapatay ‘yung engine ng sasakyan. Tapos lumapit ‘yung suspect, bumunot ng baril.”
Batay sa kanilang ID, residente ng Batangas ang mga biktima at 2 sa kanila ay may record sa pulisya dahil sa droga.
Narekober sa loob ng sasakyan ng mga biktima ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu at 9 mm kalibre na baril.
“Ini-establish pa namin ‘yung motive na may kaugnayan sa droga [ang krimen],” ani Desalisa.
Nakikipag-ugnayan pa ang pulisya sa kaanak ng mga biktima.
Sinisikap pa ng mga imbestigador na malaman ang pagkakilanlan ng mga suspek.
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.