MAYNILA — Nanawagan ang isang grupo ngayong Miyerkoles na dapat ipatupad ang tamang pagtapon at paghiwa-hiwalay ng COVID-19 waste sa mga tahanan.
Ayon kay Ramon San Pascual, executive director ng non-profit Health Care Without Harm Southeast Asia, dapat binubukod ang lahat ng basura para na rin sa kaligtasan ng mga garbage collector.
Huwag aniya ihalo sa household waste ang ginamit na face mask.
Payo rin ng grupo, huwag nang gumamit ng disposable face masks habang nasa tahanan lang.
"Hindi po 'yun necessary kasi nagiging basura nga po 'yun. Bukod pa sa delikado sa posibleng mangyari sa mga waste worker, delikado rin sa ating kalikasan kasi plastik 'yan," ani San Pascual.
"Hindi po practical, hindi advisable. Hindi sinasabi ng DOH na ang gamitin ng mga mamamayan ay mga disposable na face mask kasi marami naman pong alternatibo na reusable at washable," dagdag nito.
Kamakailan, pitong bata ang nagpositibo sa COVID-19 matapos paglaruan ang COVID-19 waste sa Virac, Catanduanes.
Sinampahan ng kaso ang isang diagnostic center dahil sa paglabag sa Republic Act 6969 o Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.
Paalala ni San Pascual, may tamang protocol sa pagtatapon ng COVID-19 waste na galing sa mga ospital at clinic.
"May proper protocol, and authorities are supposed to manage hazardous and infectious waste coming off from the pandemic," aniya.
Dapat yellow plastic bag ang gamitin kapag infectious waste; black plastic bag para sa general waste; at green plastic bag sa food waste.
Minomonitor din aniya ng Department of Health at Department of Environment and Natural Resources ang tamang paghawak ng basura sa mga ospital.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.