Nanawagan ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa mga ospital at healthcare workers na ayusin ang pagtatapon ng mga medical waste.
Ito ay matapos maiulat ang lumulobong dami ng mga healthcare waste mula sa mga ginagamit sa paggamot sa COVID-19.
Ayon Jay Vizminda Osorio, Assistant Director ng DENR - Environment Management Bureau, kailangang malaman ang panganib na dulot ng pagka-expose sa mga healthcare waste.
"Yung exposure, kaya nga once ma-expose kasi 'yan, alam natin na contaminated waste 'yan. So anytime, ang bacteria nanganganak, nagi-increase ang bacteria. I-expect natin na dangerous talaga, hazardous siya," sabi ni Osorio.
"Babala sa ating kasamahan from the hospital sector, alam nila ang responsibilty at accountability, 'di lamang sa kanilang business, even sa ating mga mamamayan," dagdag niya.
Maaalalang dati nang nagpaalala ang DENR na ihiwalay ang pag-dispose sa mga COVID-related waste, at kailangang sealed, at disinfected ang mga ito bago ikarga sa mga mangongolektang truck.
Matapos nito ay dadalhin ng truck ang mga basura sa mga accredited na landfill.
Sa mga household COVID-related waste naman, kailangang ilagay ito sa yellow bin at may label na magsasabing ito ay COVID-19 waste. Kailangan ding sealed ito nang maayos para sa kaligtasan ng mga hahawak nito.
-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News
KAUGNAY NA VIDEO:
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.