PatrolPH

Daan-daang pamilyang nasalanta ng 'Odette' hinatiran ng ayuda sa Bohol

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2022 04:59 PM | Updated as of Feb 07 2022 09:09 PM

Watch more on iWantTFC

Naghatid ng tulong ang ABS-CBN Foundation sa daan-daang pamilya sa 2 bayan sa Bohol, na matinding sinalanta ng Bagyong Odette.

Kabilang sina Alicia Golosilo sa 5 pamilyang nanunuluyan pa rin ngayon sa isang day care center sa Barangay Cambaol sa bayan ng Alicia, Bohol matapos wasakin ng Bagyong Odette ang kanilang bahay.

"Malakas na malakas ang ulan... umiikot ang hangin, tinangay na," kuwento ni Golosilo.

Sa taya ng Department of Agriculture, umabot sa P2.7 bilyon ang halaga ng pinsala ng Bagyong Odette sa agrikultura ng Bohol.

Nalubog sa baha ang buong palayan nina Golosilo at matagal-tagal pa bago nila ito maaaring mataniman muli. 

Umaasa muna sila ngayon sa mga dumarating na ayuda para makaraos sa araw-araw na kailangan ng pamilya.

"Gusto ko manawagan sa mga tao [na] may puso na tulungan kami sa buhay. Walang-wala kami, saan kami kukuha," ani Golosilo.

Nakatanggap naman na ang mga residente ng ayuda mula sa municipal disaster officer.

Pero bilang karagdagang ayuda, nagdala ang Sagip Kapamilya ng ABS-CBN ng relief goods para sa 693 pamilya sa Barangay Cambaol at Del Monte sa Alicia, Bohol.

Nahatiran din ng mga bigas at de-lata ang nasa 922 pamilya sa 2 barangay sa bayan ng San Miguel, Bohol.

Sa pamamagitan ng mga donasyon, nasa 28,500 pamilya na ang nahatiran ng tulong ng ABS-CBN Foundation sa Bohol, na pansamantalang dumudugtong sa pangunahing pangangailangan ng mga nasalantang residente.

—Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.