PatrolPH

Scammer timbog sa pagkopya sa account ng online seller para makapanloko

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2021 09:39 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Action Unit ang isang scammer na kinokopya ang account ng online jewelry seller para masalisihan ang mga bayad ng customers.

Sa isang entrapment operation, nagpanggap na delivery rider ang 
isang NBI agent para i-deliver ang alahas kay Hanna Dadea sa Pasay City.

Nang tanggapin na ni Dadea ang package, inaresto na ito ng mga awtoridad.

Ikinasa ang operasyon matapos magreklamo ang ilang buyer laban sa isang online jewelry business.

Nagpapadala kasi sila ng pera sa online seller pero di dumadating ang mga alahas na kanilang ino-order. 

Nadiskubre na bogus account pala ang kanilang katransaksiyon. Kinopya pala ng suspek ang detalye ng online account ng seller pati ang mga paninda nito.

"Kinokopya niya account ng jewelry seller, na siya 'yon, lahat ng display ng jewelry owner nasa display na rin niya 'yon," sabi ni Emeterio Dongallo ng NBI. 

Na-trace kay Dadea ang bogus na account.

Ang kanyang modus, kapag may um-order na customer sa kanyang account, binibigay niya ang bank account ng legitimate jewelry online seller.

Kapag nakapagbayad na ang customer, papalabasin ni Dadea na siya ang nagpadala ng pera at ipapa-deliver na niya ang alahas sa kanyang bahay habang ang original buyer ay walang matatanggap na alahas. 

Para kumita, binibenta naman ni Dadea ang mga alahas sa mas mababang presyo.

Payo ng NBI, siguraduhing lehitimong seller ang kausap lalo na kung malaking halaga ang binibiling produkto.

–Ulat ni Zyann Ambrosio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.