MAYNILA – Nagharap na sa Korte Suprema nitong Martes ang mga kontra sa Anti-Terrorism Act at ang mga kinatawan ng gobyerno na dumedepensa rito.
Kumpleto ang mga mahistrado, petitioners at mga kinatawan ng gobyerno mula sa Office of the Solicitor General (OSG).
Unang sumalang ang mga petitioners na nais ibasura ang anti-terror law, pero ilang mahistrado pa lang ang nakakapagtanong sa kanila. Nilimitahan kasi ang oral arguments ngayong araw hanggang 5:30 ng hapon at ang susunod na bakbakan ay sa Martes ng susunod na linggo.
"This is not a battle between the petitioners and government, nor their respective counsels, but it is a colossal battle between the Constitution and the anti-terror law. Presently, the anti-terror law is running roughshod over the Constitution, particularly the Bill of Rights," ani dating Solicitor General Jose Anselmo Cadiz, abogado ng Integrated Bar of the Philippines, isa sa mga petitioner.
Kabilang dito ang depinisyon ng terorismo, na ayon kay Atty. Chel Diokno, maaaring sakupin ang pagpoprotesta at adbokasiya, kapag pakay nito ang pagpatay o pagdulot ng seryosong panganib sa kaligtasan ng publiko.
Kung buhay pa umano si Jaime Cardinal Sin, maaari siyang kasuhan sa ilalim ng batas.
"No other law makes the exercise of Constitutional rights a crime when actuated by a certain intent. No other law empowers the state to arrest its people for exercising rights guaranteed by the Constitution, based solely on a law enforcer’s subjective opinion of their state of mind," ani Diokno.
Para naman kay dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares, masyadong malawak ang sakop ng batas at maaaring gampanan na nito pati tungkulin ng mga korte at mahistrado.
Nababahala naman si Albay Rep. Edcel Lagman na mauwi sa torture ang mahabang detensiyon sa ilalim ng batas, na aabot sa 24 na araw kahit walang kaso.
"Extended detention induces the commission of torture to coerce confession in violation of the Anti-Torture Act of 2009. Long detention without judicial intervention must be proscribed to foreclose the incidence of torture."
Binanggit naman ng abogadong si Evalyn Ursua ang sinapit ng Rural Missionaries of the Philippines na na-freeze ang mga bank accounts bilang indikasyon ng mga maaaring mangyari sa ilalim ng Anti-Terrorism Act, habang punto naman ng abogadong si Algamar Latiph ang diskriminasyon laban sa mga Muslim at mga katutubo gaya ng mga Aeta.
"Moros have been victims of historical injustice, massive land grabbing, structural discrimination and human rights violations through extreme military measures," ani Latiph.
Bago pa mag-oral arguments, naghain ng petition-in-intervention ang 2 Aeta na hinuli, nakulong at na-torture dahil sa mali umanong alegasyon na miyembro sila ng New People’s Army.
Sila ang unang dumulog sa korte para ireklamo ang actual injury o aktuwal na pinsala sa pagpapatupad ng batas.
Lahat kasi ng 37 petisyon, kinuwestiyon ang lengguwahe ng batas na maaari lang gawin sa mga kasong may kinalaman sa freedom of expression.
Ito ang naging punto nina Associate Justices Rosmari Carandang at Marvic Leonen sa kanilang pagtatanong sa mga petitioners: Posible bang kuwestiyunin ang batas kung wala pang napipinsala rito?
"I think we should be careful for us not to become a political department, not to substitute our wisdom to that of Congress, advisers of President... Only in an actual case where there can be a clear and convincing demonstration that there is a repugnancy to Constitution," ani Leonen.
Sinang-ayunan ito ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.
"Parang hindi muna nila pinagbibigyan ang batas, wala pa naman tayong test case eh. Mga apprehensions lang muna. Alalahanin natin na ang ating Kongreso ang siyang nagpalabas nito katulong ng mga stakeholders," ani Esperon.
Pero giit ng mga petitioner, hindi kailangang hintayin na may mapipinsala.
Binanggit ni Cadiz ang red-tagging sa mga petitioner sa Facebook post ni AFP Southern Luzon Commander Lt. Gen. Antonio Parlade, Jr. bilang halimbawa ng banta.
Giit pa ng mga petitioner, hindi naman kailangan ang Anti-Terrorism Act.
"The government narrative that we are helpless if Anti-Terrorism Act is struck down is not true... Human Security Act was effective, not the best but it protected the country," ani Alfredo Molo III, abogado ni dating SC Senior Associate Justice Antonio Carpio na isa ring petitioner.
Sa susunod na Martes nakatakda ang pagpapatuloy ng oral arguments kung saan ang 12 pang mga mahistrado ang magtatanong sa mga abogado ng petitioners bago pa isalang ang kampo naman ng OSG.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, TV PATROL, TV PATROL TOP, Anti Terror Law, Anti-Terrorism Act, terorismo, OSG, SC, Korte Suprema, Supreme Court, oral arguments