PatrolPH

Oral arguments sa SC kaugnay ng mga petisyon vs anti-terror law, umarangkada na

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2021 09:08 PM

Oral arguments sa SC kaugnay ng mga petisyon vs anti-terror law, umarangkada na 1
Members of different religious groups hold a protest outside Iglesia Filipina Independiente National Cathedral along Taft Avenue, near the Supreme Court in Padre Faura, Manila City, hours before the scheduled oral arguments on the Anti-Terrorism Act on Tuesday. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

MANILA — Umarangkada na nitong Martes ang oral arguments sa Korte Suprema kaugnay ng 37 petisyon laban sa kontrobersyal na Anti-Terrorism Act (ATA) of 2020. 

Kabilang sa mga abogado ng mga petitioner na naglatag ng kanilang mga argumento laban sa anti-terror law ay sina: 

  •  Dating Solicitor-General Jose Anselmo Cadiz
  •  Albay Rep. Edcel Lagman
  •  Human Rights lawyer Chel Diokno
  •  Evalyn Ursua 
  •  Algamar Latiph 
  •  UP Constitutional Law Prof. John Molo III 
  •  Dating party-list representative Neri Colmenares     

Inilatag ni Cadiz ang kanilang argumento na mayroong legal standing ang mga petitioners sa kaso dahil nakaka-apekto aniya ang ATA sa bill of rights, at mayroong credible threat o banta sa mga ito.

Naniniwala rin ang dating SolGen na nagkaroon ng grave abuse of discretion sa pagkakapasa ng kontrobersyal na batas. 

Ayon naman kay Diokno, sumasagka ang anti-terror law sa umano’y fundamental rights ng mga Pilipino tulad ng mga civil at political rights.

Sinabi pa ni Diokno na dahil sa ATA, sinumang magpo-post sa Facebook na bumabatikos halimbawa sa isang telecom company na maaring malapit sa Pangulo, ay maaring maipakahulugang panghihikayat na para pabagsakin ang pamahalaan. 

Watch more on iWantTFC

 Malabong depinisyon ng terorismo

Kinuwestyon naman ni Molo ang malabong depinisyon ng “terrorism” na aniya'y maaring makakaapekto sa kahulugan ng iba pang krimen na may kaugnayan sa terorismo, gaya na lang ng “inciting to terrorism.”

Ayon sa abugado, simula noong 1987, walang batas na sumasagasa sa mga constitutional rights. Wala aniyang batas na naging banta para maglaho ang hudikatura sa pamamagitan ng pagtanggal sa kapangyarihan nito at ipaubaya na lang sa ehekutibo.

Inihalimbawa naman ni Ursua, isa ring human rights lawyer, ang pagka-freeze sa mga assets ng Rural Missionaries of the Philippines o RMP, base lang sa alegasyon na pinondohan nito ang ilang communist activities.

Ayon kay Ursua, ito ay kahit pa malinaw naman na ang RMP ay isang organisasyon ng mga kababaihan at kalalakihan at mga religious at lay workers, na ang layunin ay para sa kanilang missionary works. 

Sinabi pa niya na ang nangyayaring red-tagging sa mga aktibista at iba pang mga kritikal sa gobyerno ay nagresulta na sa pagkakasawi ng iba.

 Malabong probisyon? 

Binigyang diin ni Colmenares na invalid sa ilalim ng konstitusyon ang ATA. 

Malabo aniya ang mga probisyon nito. At sa ilalim ng ATA, maaring maparusahan o maipakahulugan ang mga legal acts bilang terorismo, base sa mga pahayag ng mga awtoridad gamit ang malabong depinisyon ng batas. 

Sa ilalim pa aniya ng naturang batas, nagdudulot ito ng deprivation o pagkakait ng mga karapatan sa mga indibidwal na pinaghihinalaang sangkot sa terorismo, nang walang judicial trial. 

Ito'y dahil may probisyon sa batas na puwedeng imbestigahan at i-freeze ang assets ng mga suspek at maaring makulong ang isang suspek nang mahigit pa sa 3 araw nang walang judicial imprimatur. 

Binigyang diin rin ni Lagman ang section 29 ng Anti-Terrorism Act, na nagpapahintulot na arestuhin ang isang indibidwal na hinihinalang terorista kahit pa walang warrant of arrest at maikulong ito hanggang 24 na araw.

Binalikan naman ni Cadiz ang post sa Facebook ni Lt. Gen. Antonio Parlade Jr., na isa raw direktang banta o threat sa mga petitioners na tumututol sa Anti-Terrorism Act. 

Sa pagtatanong ni Associate Justice Rosmari Carandang kay Diokno, inusisa nito ang depinisyon ng Section 4 ng ATA o ang pumapatungkol sa depinisyon ng salitang terorismo.

Ayon kay Diokno, hindi maaring maitama ng probisyon ng implementing rules and regulation o IRR ang malabong depinisyon ng batas. 

Alas-5:30 ng hapon nag-adjourn ang Supreme Court at muling itutuloy ang hearing sa Martes sa susunod na linggo, alas-2 ng hapon. 

- Ulat ni Johnson Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.