MAYNILA – Huwag masyadong madaliin ang pagluluwag sa quarantine status sa Metro Manila: iyan ang posisyo ng mga eksperto mula sa OCTA Research group at iba pang medical associations.
Tugon nila ito sa sinabi ni acting Socioeconomic Planning Secretary Karl Chua na posible nang ibaba ang quarantine classification sa National Capital Region sa Marso para tumaas ang paggasta ng mga Pilipino at mapalakas ang ekonomiya.
Sabi sa TeleRadyo ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, masyado pang maaga ang Marso para gumala ang mga tao.
Nakadepende rin aniya dapat sa rollout ng bakuna ang desisyon sa quarantine classification dahil kung magiging maganda ito, bababa na ang kaso at makakabawi ang ekonomiya.
"Huwag naman natin masyadong madaliin kasi alam ko naghihirap na tayo, pero minsan ang timing ng decisions natin very critical and every month nawawalan tayo. Pero mahirap rin namang malagay tayo sa kalagayang crisis," ani David.
Naniniwala rin si Dr. Maricar Limpin, vice president ng Philippine College of Physicians, na nakadepende sa magiging resulta ng vaccination program kung magluluwag na ng quarantine status.
"Gusto sana nating mai-suggest sa ating pamahalaan na siguro magandang tingnan muna natin ang magiging epekto, tingnan natin kung papaano natin mai-implement ang bakuna, 'yung programa bago ho tayo mag-isip ng pagpapaluwag ng quarantine measure," giit ng doktora.
Kasama rin sa dapat tingnan aniya rito ang magiging kahandaan ng publikong magpaturok.
Maaalalang sumadsad ang ekonomiya ng Pilipinas noong 2020 sa pinakamababang antas mula World War 2.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPh, Tagalog news, balita, quarantine, NCR, GCQ, ekonomiya, konsumer, pandemya, lockdown, Karl Chua, NEDA, health experts, OCTA, OCTA Research Group, Covid-19, Covid-19 vaccine, bakuna, vaccine