Traffic enforcer patay matapos barilin ng hinarang na motorista

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 04:33 PM

MAYNILA — Patay sa pamamaril noong Sabado ang isang traffic enforcer sa Parañaque City matapos barilin ng hindi pa nakikilalang motorista na nainis umano nang harangin niya.

Sa ulat na inilabas ngayong Linggo ng National Capital Region Police Office, kinilala ang biktima bilang si Armando Sabado, 47, at residente ng Barangay Don Bosco sa Parañaque.

Nagbabantay si Sabado ng bahagi ng kalsada sa Barangay La Huerta bandang 6:55 ng umaga dahil sa isang fun run nang dumating ang 2 sakay ng isang motorsiklo, ayon sa ulat.

Gusto umanong makadaan ng 2 sa kalsadang binabantayan ni Sabado pero hindi pumayag ang enforcer.

Napikon ang nakaangkas na salarin at binaril si Sabado sa dibdib bago tumakas papunta sa direksiyon ng SM Sucat, ayon sa ulat.

Sinugod sa Ospital ng Parañaque si Sabado pero pumanaw rin bandang 7:30 ng umaga, sabi ng pulisya.

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.