Pinakauna sa labas ng China: Novel coronavirus patient sa Pinas patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 01:22 PM | Updated as of Feb 02 2020 06:10 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA (UPDATE) — Naitala sa Pilipinas ang unang pagkamatay ng isang pasyenteng may novel coronavirus sa labas ng China, sabi ngayong Linggo ng kinatawan ng World Health Organization (WHO) sa bansa, kasabay ng pagpapalawig ng travel ban sa mga biyaherong galing China.

Isang 44 anyos na lalaking Chinese, ang pangalawang kumpirmadong kaso ng 2019 Novel Coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD) sa Pilipinas, ang pumanaw noong Sabado, ayon kay Health Secretary Francisco Duque III.

"This is the first reported death outside China," ani Rabindra Abeyasinghe, WHO representative sa Pilipinas, sa isang conference kasama si Duque.

Ang nasabing lalaki ay kasamahan ng 38 anyos na babaeng Chinese na unang kaso ng bagong coronavirus sa bansa.

Na-admit sa isang government hospital sa Maynila ang dalawang pasyente noong Enero 25, ayon kay Duque. Nakaranas ng pulmonya, lagnat, ubo, at pamamaga ng lalamunan ang lalaki.

"Over the course of the patient's admission, he developed severe pneumonia," ani Duque.

"In his last few days, the patient was stable and showed signs of improvement. However, the condition of the patient deteriorated within the last 24 hours, resulting in his demise," dagdag ng kalihim.

Asymptomatic naman ang babaeng pasyente o wala nang pinapakitang sintomas ng virus.

Nagpaalala naman si Abeyasinghe na hindi "locally acquired" ang sakit ng lalaki kundi nakuha niya mismo sa Wuhan, na sinasabing pinagmulan ng virus.

"This patient came from the epicenter of this outbreak, Wuhan, China, where there have been very large number of deaths," sabi naman ni Abeyasinghe.

Sinabi naman ng Cebu Paficic na nakikipagtulungan sila sa Bureau of Quarantine at National Epidemiology Center para kontakin ang lahat ng mga pasaherong nakasabay ng 2 Chinese national na nagpositibo sa novel coronavirus sa Pilipinas.

Inanunsiyo rin ng Department of Health at Research Institute for Tropical Medicine na 23 patients under investigation (PUI) ang nag-negatibo sa novel coornavirus.

Hinihintay pa ang resulta ng confirmatory test ng apat na PUI.

TRAVEL BAN

Samantala, pinalawig na ng gobyerno ang ban o pagbabawal sa mga biyaherong galing China bilang pag-iingat sa bagong coronavirus.

Watch more in iWant or TFC.tv

Bago nito, mga biyahero galing Hubei — ang Chinese province na nakakasakop sa Wuhan — lamang ang naka-ban.

Pero ngayon, inutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na isama sa ban ang lahat ng mga biyahero galing China, Hong Kong, at Macau, ayon kay Sen. Bong Go, chairperson ng Senate Committee on Health and Demography.

"The order covers all travelers from China to the Philippines, regardless of nationality," sabi ni Go sa radyo DZMM.

Kailangan namang sumailalim sa 14-day quarantine ang mga uuwing Filipino citizen at iyong mga may permanent resident visa, ayon kay Go, ang dating aide ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Inabisuhan naman ni Manila International Airport Authority General Manager Ed Monreal ang mga pasahero na may nakatakdang flights papunta at galing China na tingnan ang mga airline website para sa mga advisory at update.

Inabisuhan na rin ng Department of Tourism ang kanilang mga opisina sa China na tiyaking susunod ang lahat sa utos na travel ban.

Pumalo na sa 304 ang bilang ng mga namatay na nahawahan ng novel coronavirus sa China. May 13,700 naman ang bilang ng mga kumpirmadong kaso.

Pinaniniwalaang nag-ugat ang virus sa isang seafood market sa lungsod ng Wuhan na nagbebenta ng mga wild animal bilang pagkain.

Ang 2019 novel coronavirus ang pinakabagong strain mula sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng impeksiyon at mga sakit sa paghinga.

Umabot na ang virus sa higit 20 bansa, kabilang ang United States, Australia, Germany, France, at Finland. -- May ulat nina Apples Jalandoni at Isay Reyes, ABS-CBN News at mula sa Agence France-Presse

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.