Mga magbababoy sa Mindanao umaaray sa pagpasok ng ASF sa rehiyon

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 07:35 PM

Watch more in iWantTFC

DON MARCELINO, Davao Occidental — Tinatayang 1,000 baboy rito ang nagpositibo sa African swine fever (ASF), ang kauna-unahang kaso ng virus na naitala sa buong Mindanao.

Nitong Linggo, pumunta sa bayan si Agriculture Secretary William Dar para kausapin ang mga punong barangay para maipaintindi sa kanila ang ASF at ang tulong na puwede nilang matanggap.

Agad in-activate ang regional animal disease task force para hindi na mahawa ang iba pang mga baboy sa mga karatig-lugar.

Round-the-clock na rin ang isinasagawang quarantine measures. 

Dalawang posibilidad ang tinitingnan ng Department of Agriculture (DA) kung paano nakapasok ang ASF sa Mindanao. 

Una ay maaaring may nagdala mula Luzon ng karneng apektado nito at nakain ng baboy. Pangalawa ay posibleng naipuslit ito sa mga pantalan kasabay ng ibang kontrabando.

"This report that I have received confirms the written report by the regional executive director of DA region 11 [that] more or less 1,000 pigs are affected by ASF, the first laboratory test within Mindanao is positive for ASF. At this point in time the confirmatory test is being done at the laboratory of the Bureau of Animal Industry," sabi ni Dar. 

Iniutos na rin ng provincial government ng Davao Occidental ang total lockdown ng buong probinsya kung saan ipagbabawal muna ang pagpasok at paglabas ng baboy, gayundin ang pagbebenta ng karneng baboy, maging mga processed pork.

Pero kahit ipinagbawal muna, may mga nagbebenta pa rin ng baboy sa ilang palengke.

Nanawagan naman ang mga nag-aalaga ng baboy ng tulong galing sa gobyerno kung sakaling papatayin talaga ang kanilang mga baboy.

Nag-aalala na rin ang mga nagleletson dahil baka madamay sila sa ban.

Sa ngayon, mahigpit na ang ginagawang boarder to boarder checkpoint at quarantine sa Davao Occidental. —Ulat nina Vina Araneta at Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.