Mga establisimyento dumiskarte na para iwas Wuhan coronavirus

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 05:21 PM | Updated as of Feb 02 2020 07:30 PM

Watch more in iWantTFC

MAYNILA — Sa kabila ng outbreak ng bagong coronivirus sa buong mundo kabilang na ang 2 kumpirmadong kaso nito sa Pilipinas, hindi pa rin maiwasan ng mga Pilipino na magsipasyal ngayong weekend.

Pero ang mga establisimyento, sari-saring hakbang ang ipinatupad para masigurong ligtas ang paggagala ng mga tao sa mga pampublikong lugar.

Bukod sa health advisory posters tungkol sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV ARD), may hand sanitizers na rin sa MRT stations.

Kapansin-pansin na mas dumami na rin ang nakasuot ng face masks sa lansangan.

Kaniya-kaniyang ingat din ang mga commuter para hindi madapuan ng nakamamatay na virus.

"Lagi akong may dalang alcohol para mag-wash ng hands if ever lumalabas ako, like today. Precautions lang naman," ani Claudine Arseo.

Ang isa namang mall sa Pasay City, nag-install ng handrail ultraviolet (UV) sterilizer sa kanilang escalator.

 

Ito ay tumutulong sa pag-sterilize at decontaminate sa handrails bilang precautionary measure kontra sa mga sakit tulad ng novel coronavirus.

Pumalo na sa 304 ang bilang ng mga namatay na nahawahan ng novel coronavirus sa China. May 13,700 naman ang bilang ng mga kumpirmadong kaso.

Pinaniniwalaang nag-ugat ang virus sa isang seafood market sa lungsod ng Wuhan na nagbebenta ng mga wild animal bilang pagkain.

Umabot na ang virus sa higit 20 bansa, kabilang ang United States, Australia, Germany, France, at Finland.

Sa Pilipinas, naitala ang unang pagkamatay ng pasyenteng may 2019-nCoV ARD sa labas ng China.

—Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.