Higit P4-M halaga ng ‘shabu’ nakuha sa 3 suspek sa QC drug bust

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 02:32 PM

Nakuha sa mga suspek ang 5 transparent plastic at 7 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P4,080,000. Retrato mula sa QCPD

MAYNILA — Nakumpiska ng mga awtoridad ang nasa higit P4 milyon halaga ng hinihinalang shabu mula sa 3 suspek na naaresto sa buy-bust operation sa Quezon City nitong umaga ng Linggo.

Sa ulat ng Quezon City Police District (QCPD), kinilala ang mga suspek bilang isang 20 anyos na lalaki, isang 27 anyos na lalaki, at isang 51 anyos na babae.

Binentahan ng isa sa mga suspek ang isang pulis na nagpanggap na buyer ng hinihinalang shabu sa halagang P20,000, ayon sa ulat ng QCPD. 

Nangyari umano ang operasyon sa may kanto ng Mayon Street at Quezon Avenue, Barangay Teresita bandang 10:30 ng umaga.

Matapos ang bentahan, dumating ang iba pang mga operatiba at inaresto ang mga suspek.

Nakuha sa mga suspek ang 5 transparent plastic at 7 plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, ayon sa pulisya. May kabuuang timbang ito na 600 gramo at nagkakahalagang P4,080,000.

Narekober din sa operasyon ang 2 sasakyan, 2 cellphone, at ang perang ginamit sa buy-bust transaction.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa pulisya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.