Di kailangang mag-face mask sa lahat ng pagkakataon: doktor

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 01:42 PM

Nakapila ang ilang tao para bumili ng face mask sa Bambang, Maynila noong Enero 30, 2020. George Calvelo, ABS-CBN News

MAYNILA — Sa gitna ng mga pangamba sa bagong uri ng coronavirus, iginiit ng isang doktor na hindi naman kailangan laging magsuot ng publiko ng face mask. 

Ang face mask ay nagsisilbing proteksiyon ng isang tao para hindi mahawa sa sakit ng iba o para hindi makahawa ng iba sakaling siya ang may sakit, ayon sa infectious disease specialist na si Rey Salinel.

Watch more in iWantTFC

Pero mainam lang umano ang paggamit ng face mask kapag pumupunta ang isang tao sa mga masisikip at matataong lugar.

“Doon (congested areas) ka may reason para mag-face mask ka, sa palengke, LRT, MRT, jeep, eroplano. Pero kung walang senyales na kayo ay may ubo, sipon, trangkaso, puwede na kayong hindi mag-face mask,” sabi ni Salinel sa panayam ng “Salamat Dok.”

Bukod sa pagsusuot ng face mask, binigyang-diin din ni Salinel ang paghuhugas ng kamay at pagpapanatili ng malinis na katawan para makaiwas sa novel coronavirus at iba pang mga sakit.

Nauna na ring sinabi ng mga health official na sa mga piling pagkakataon lang dapat magsuot ng face mask.

Umapela rin si Health Undersecretary Eric Domingo sa publiko na huwag ubusin ang stock ng N95 face mask dahil mas kailangan ito ng mga health worker na nakatutuok sa paggamot sa mga kumpirmadong kaso ng at hinihinalang may novel coronavirus.

Ang 2019 novel coronavirus ang pinakabagong strain mula sa pamilya ng mga virus na nagdudulot ng mga impeksiyon at sakit sa paghinga. Kabilang din sa pamilyang ito ang mga coronavirus na nagdudulot ng severe acute respiratory syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome (MERS).

Sa Pilipinas, may 2 nang kumpirmadong kaso ng novel coronavirus.

Sa bansa rin naitala ang unang pagkamatay ng novel coronavirus patient sa labas ng China, kung saan nagmula ang naturang sakit. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.