Bahay sa Las Piñas natupok; 2 residente sugatan, aso patay

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 03:34 PM

MAYNILA — Nasunog ang isang bahay sa loob ng isang subdivision sa Barangay Talon I, Las Piñas nitong madaling araw ng Linggo. 

Sa tindi ng apoy, dalawang residente ang nagtamo ng first degree burn. 

"Naliligo daw ['yung isang residente] tapos paglabas niya ng banyo umaapoy na ang second floor," sabi ni Supt. Arthur Sawate, Las Piñas City fire marshall. 

Wala na halos natira sa bahay matapos matupok pero ang mas ikinalungkot ng pamilya ay hindi nakaligtas ang alaga nilang aso. 

"Nakulong siya (aso), na-suffocate, di nakalabas," ani Sawate.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog. 

Suwerte namang hindi na kumalat ang apoy sa katabing mga bahay sa subdivision dahil sa firewall. 

Pinag-iingat ng mga opisyal ang publiko kontra sunog lalo't dry season daw at madaling sumiklab ang apoy.

"Doble ang pag-iingat kasi panahon na naman ng dry season, madali kumalat ang apoy... Ang mga electric fan or naka-charge na gadget kailangan tanggalin ito," payo ni Sawate.  —Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.