PatrolPH

SOCO: Bangkay ng 20 anyos natagpuang nakasako, nakakahon sa Bulacan

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 02:18 PM

 

Nakahubad, nakasilid sa sako, at nakatago sa kahon nang matagpuan ng mga rumorondang tanod ang bangkay ng 20-taong gulang na si Andrea de Guzman sa Barangay Banga, Meycauayan, Bulacan noong Nobyembre 14, 2018.

"Nakita nga namin 'yung paa na nakalagay doon, nakalabas doon sa may sako… Tiningnan namin, so lumabas nga tao," ayon sa hepe ng Meycauayan police na si Supt. Santos Mera Jr.

Sa medico-legal report, isang saksak sa dibdib ang direktang ikinamatay ng biktima.

Galit at hinagpis ang nadama ng tiyahin ng biktima nang malaman ang sinapit ni Andrea.

"Hindi ko po siya kayang tingnan nang ganon kasi akala ko nga sa TV ko lang nakikita 'yung ganon. Tapos po nung sa akin nangyari, napakahirap po na tanggapin," sabi ng tiyahin ng biktima na si Rowena.

Ayon kay Rowena, sanggol pa lang si Andrea nang mapunta ito sa kaniyang pangangalaga. Habang lumalaki, napansin na ni Rowena ang kakaibang kilos ni Andrea.

"Ako po kasi 'yung bumibili ng gamit niya. Brief po talaga, tapos damit po talaga ng lalaki," kuwento ni Rowena.

Batid ni Rowena na nagkaroon ng relasyon si Andrea sa kapuwa niya babae. Tanggap naman daw niya nang buong-buo ang pagkatao ng kaniyang pamangkin.

IMBESTIGASYON

Samantala, inalam ng mga awtoridad ang mga nakasama ni Andrea bago siya natagpuang patay.

"Habang tumatagal, nakakuha kami ng lead na mayroon nga daw [siyang] kainuman noong gabi na nawala," sabi ni Mera.

Ayon sa isa sa mga nakasama ni Andrea na si John Mark Gerazo, nagkaroon daw sila ng inuman ni Andrea kasama sina Kathlyn Brona, Jay de Vera, isa pang babae, at isang menor de edad.

"November 13 po, nagkita-kita po kami. Masaya po... Maya-maya po, tinamaan na po kami [ng alak]," kuwento ni Gerazo.

Makalipas ang ilang sandali, nagkaroon daw ng mainit na pagtatalo sina Andrea at De Vera nang mapunta sa usapang pag-ibig ang diskusyon.

"Parang inaagaw po [ni Andrea] 'yung girlfriend [ni De Vera]. Nagkaalitan po 'yung dalawa... Tapos pagbalik po, may kutsilyo na sa singit si Jay. Bigla niya pong sinaksak si Andrea," rebelasyon ni Gerazo.

Panoorin ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Pebrero 2, 4:15 p.m. pagkatapos ng "Ipaglaban Mo!" sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.