Pamilya ng pinaslang na dating prosecutor sa Cebu, hiling ang hustisya

Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 02:56 PM | Updated as of Feb 02 2019 04:00 PM

Hiniling ni Monique Roa, anak ng pinaslang na dating Cebu City assistant prosecutor na si Mary Ann Castro, na mapabilis ang pagresolba sa kaso ng kaniyang ina. Kasama ni Roa na humarap sa media ang kaniyang lola at tiyuhin. Leleth Ann Rumaguera, ABS-CBN News

CEBU CITY (UPDATE) – Nais na mapabilis ng pamilya ng pinaslang na si dating Cebu City Assistant Prosecutor Mary Ann Castro ang imbestigasyon ng pulisya sa kaso.

Nagbigay ng pahayag ang anak ni Castro na si Monique Roa, kasama ang kaniyang lola at tiyuhin, Sabado ng umaga.

Ayon kay Roa, mahigit dalawang linggo na ang nakalipas mula nang tambangan si Castro pero hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na konkretong impormasyon tungkol sa pag-usad ng imbestigasyon. 

Nais umano nilang sa lalong madaling panahon ay mabigyan sila ng karagdagang impormasyon tungkol sa kaso at lead sa mga suspek.

Anila, handa silang makipag-ugnayan sa mga pulis sa kanilang imbestigasyon. 

Plano rin ng pamilya na magbigay ng pabuya sa mga makapagbibigay ng impormasyon para sa ikadarakip ng mga suspek sa pananambang.

Pero dagdag ni Roa, hahayaan muna nila ang mga pulis na magresolba sa kaso.

Sa panig naman ng awtoridad, sinabi ni Police Regional Office 7 director Chief Supt. Debold Sinas na tuloy pa rin ang imbestigasyon sa kaso pero aminado siyang wala pa silang suspek dahil na rin sa dami ng anggulo na tinitingnan nila.

Bukas din aniya ang kanilang tanggapan sa anumang ebidensiya o impormasyon na maibibigay ng pamilya para mapabilis ang paghahanap sa mga suspek.

Disyembre 2017 nang patawan ng 90-day suspension si Castro ng Department of Justice (DOJ) dahil sa kasong isinampa laban sa kaniya ng pamilya ng kaniyang dating asawang si Leodegreco Sanchez.

Sinasabi rin ng pulisya na nagkaroon dati ng relasyon ang biktima sa napatay na pulis na si SPO2 Adonis Dumpit.

Si Dumpit ay dating close-in bodyguard naman ni Cebu City Mayor Tomas Osmeña. Napatay siya sa Tagbilaran City, Bohol noong Hunyo ng nakaraang taon.

Enero 26 nang ilibing si Castro sa Clarin, Ozamiz City.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.