Mga nagkalat sa bagong linis na Manila Bay, sinita

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 10:38 AM | Updated as of Feb 02 2019 02:52 PM

MAYNILA – Sa kabila ng patuloy na paglilinis, marami pa ring pasaway na bisita sa Manila Bay ang nagiiwan ng kanilang kalat.

Ayon kay Marissa Cristobal ng Department of Public Services (DPS) ng Maynila, may mga tao pa rin silang sinaway dahil sa iniwang basura sa bay walk.

Sabado ng umaga nang mag-tila resort ang sitwasyon sa Manila Bay dahil sa dagsa ng tao na nag-picnic, at sa kabila ng malamig na panahon, may ibang nag-swimming pa kahit na ipinagbabawal.

Ito'y matapos ang paglilinis sa Manila Bay noong nakaraang linggo bilang bahagi ng rehabilitation program ng gobyerno. 

Mula noon at dagsa na ang mga bisitang nais makita ang pagbabago sa look na tanyag na lugar para tunghayan ang paglubog ng araw. 

Marami sa kanila ay mga kabataan na naglalaro sa tubig at hindi alintana ang posibleng dumi at bacteria sa dagat. 

Ang iba naman ay nasa gilid ng beach at nakaupo sa buhangin habang ang ilang pamilya ay may dalang mga banig at pagkain.

Samantala, patuloy naman ang pagpapaalala ng awtoridad na huwag nang magkalat sa Manila Bay. 

Nagsasagawa pa rin ngayon ng clean-up ang iba't ibang grupo, tulad ng DPS, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), fire volunteers, at maging bikers at riders groups sa Manila Bay. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.