ALAMIN: Pananagutan ng dayuhang umakyat ng gusali sa Makati

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 07:22 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Noong Martes ay inaresto ang isang dayuhang binansagang “French Spiderman” matapos nitong akyatin ang isang gusali sa Makati City nang walang safety gear.

Bagaman nakalaya na matapos ang insidente, ano ang basehan para kasuhan ang free climber na si Alain Robert?

Ayon kay Atty. Claire Castro, nagdulot ng "perwisyo" ang pag-akyat ni Robert sa gusali kaya pasok ito sa kasong alarm and scandal, batay sa Revised Penal Code.

"It caused disturbance in a public place kasi nandiyan 'yung mga bombero, nandiyan 'yung mga pulis, mayroong traffic tapos [may mga nakahinto] then it is disturbance," aniya sa "Usapang de Campanilla" ng DZMM.

Ayon pa kay Castro, dapat din daw na nagpaalam si Robert - na kilala sa kaniyang pag-akyat sa iba't ibang gusali - bago ginawa ang stunt para nakaiwas siya sa pag-aresto.

Nilinaw ng abogado na hindi maaaring kasuhan ng trespassing si Robert dahil hindi nito pinasok ang mismong gusali nang mangyari ang pag-aakyat.

Arresto menor o isa hanggang 30 araw na pagkakakulong at multa ang maaaring ipataw sa reklamong alarm and scandal.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.