8 patay sa engkuwentro ng militar, Abu Sayyaf sa Sulu

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 06:25 PM | Updated as of Feb 02 2019 10:53 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Limang sundalo at tatlong miyembro ng grupong Abu Sayyaf ang patay sa engkuwentro ng dalawang grupo ngayong Sabado.
 
Naganap ang engkuwentro nang maglunsad ang militar ng operasyon upang hulihin si Hajan Sawadjaan, lider ng grupo na pinaniniwalaang responsable sa pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 22 katao at ikinasugat ng higit 100 iba pa noong Enero 27.

Dati ring nanumpa si Sawadjaan ng katapatan sa pandaigdigang terrorist group na Islamic State (IS) na umako sa naturang pambobomba.

Nagsimula ang bakbakan alas-11:30 ng umaga, ayon kay Western Mindanao Command spokesperson Col. Gerry Besana, at tinatayang nasa 100 hanggang 150 miyembro ng Abu Sayyaf ang kasama sa engkuwentro.

Nangyari ang engkuwentro sa gitna ng imbestigasyon sa pagkakasangkot ng dalawang Indonesian suicide bomber na tinulungan umano ng mga miyembro ng ASG sa pagpapasabog.

Nagsilikas na rin ang ilang residente ng Patikul dahil sa abiso ng militar at dahil sa takot na maipit sa bakbakan.

Hinigpitan na rin ang mga checkpoint at hinihingan ng ID ang mga nagpapapasok ng bigas at pagkain para matiyak na hindi ito rasyon para sa mga Abu Sayyaf.

Nauna nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa militar na puksain ang Abu Sayyaf group matapos nilang madawit sa pagsabog.

Nagkaroon ng mga airstrikes noong Miyerkoles kasunod ng kautusan ni Duterte.

- May ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.