5 patay sa magkakahiwalay na buy-bust sa Bulacan, Laguna

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 10:03 AM

MAYNILA - Lima ang patay sa magkakahiwalay na buy-bust operation sa Bulacan at Laguna Sabado ng madaling araw.

Nasawi si Isidro Cabandon matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa San Jose del Monte, Bulacan. Kabilang siya sa drugs watch list sa lugar.

Ayon kay Senior Supt. Chito Bersaluna, director ng Bulacan police, una umanong nagpaputok ang suspek nang makahalata na pulis ang kaniyang katransaksiyon.

Sa Meycauayan, Bulacan, dead on the spot si Denver Montaos nang mauwi sa engkuwentro ang buy-bust operation.

Nakuha sa suspek ang isang kalibre .38 na baril at isang sachet ng hinihinalang shabu.

Samantala, patay ang dalawang hindi pa kilalang lalaki matapos umano makipagbarilan sa mga pulis sa Cabuyao, Laguna.

Nagpaputok umano ang mga suspek nang matunugan nila na pulis ang kanilang kausap na bibili sana ng baril.

Sa Sta. Rosa, Laguna, napatay rin ng mga pulis ang isang hinihinalang tulak na kinilalang si Rocky Trinidad. Nakuha sa suspek ang isang sachet ng umano'y shabu. - ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.