SAPUL SA CCTV: Lalaki nagnakaw ng TV sa isang bar sa Baguio

Marianne Claire Reyes, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 11:23 PM | Updated as of Feb 03 2018 01:47 AM

Nilooban ng isang hindi pa nakikilalang lalaki ang isang bar sa Baguio nitong Miyerkoles. Kuha ni Agnes Canlas Contreras

BAGUIO CITY–Huli sa CCTV camera ang panloloob ng isang hindi pa nakikilalang lalaki sa isang bar sa Baguio City Miyerkoles ng hapon.

Sa kuha ng CCTV, nakitang umaaligid ang lalaki sa labas ng bar bandang alas-3 ng hapon. 

Maya-maya pa, may inilabas na ito galing sa kanyang bulsa at ginamit pangbaklas ng kandado sa pintuan ng bar. Hindi niya ito agad nabuksan. 

Watch more in iWantv or TFC.tv

Video courtesy of Julius Atam

Nagpalakad-lakad muna ito sa paligid. Nang mapansin ang CCTV camera, bumaba ito pero bumalik din agad atsaka inilihis ang camera.

Tuluyan na itong nakapasok sa loob. Una siyang nagkakal sa counter. Napansin nito ang camera at muling inilihis. 

Nang walang nakuha sa counter, sinubukan nitong buksan ang pintuan ng bodega pero nabigo ito. Pinuntahan nito ang TV na nakasabit sa dingding. Nang sisimulan na sana niyang tanggalin ito, nakita niya ulit ang malapit na CCTV camera at inilihis ito atsaka tuluyang tinanggal ang TV.

Watch more in iWantv or TFC.tv
Video courtesy of Julius Atam

Bumalik ito sa counter, inilapag muna ang TV at bubuksan na sana ang pintuan ng pinaka-opisina ng bar. Saktong dumating ang mga magde-deliver ng alak kaya natigilan ito at pinagbuksan ang mga tao.

“Akala nila empleyado so, sabi may delivery po, ang sagot ng magnanakaw, asan iyung resibo niyo, so ang alam ng delivery boy, empleyado dito pero di pala," ani Julius Atam, bar manager.

Nang bumaba ang mga magde-deliver, minadaling kinuha ng lalaki ang TV at umalis ng hindi napapansin ng mga nagde-deliver.

“Pagpasok ko, nakabukas, naabutan ko yung mga delivery boy dito, yun, sabi nila may tao na daw dito, sabi ko, ako iyung nagbubukas, iyun pala yung nakausap nilang tao, 'yun na iyung magnanakaw na… so upon noticing na wala na yung TV namin, tumawag na ako sa (Police) Station 7," ani Atam.

Ayon sa pulisya, patuloy ang imbestigasyon sa pagkakakilanlan ng lalaking nanloob sa bar.

"Upon learning, malakas na ebidensya yun, normally ang ginagawa natin dun, may latent prints doon, iyun iyung isa sa malaking ebidensya na nakuha natin, ginawa natin as part of the process tapos hinahanap pa natin yung identity although may mukha na pero wala pang identity," ani police Chief Insp. Benedict Gang-aoen, deputy commander ng Baguio City Police Station 7.

Patuloy naman ang paalala ng mga pulis na maging maingat dahil walang pinipiling oras ang ibang mga magnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.