Ilang estudyante at instructor, naospital sa sunog sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 05:59 AM

Galon ng mga kemikal na nasunog sa South Cotabato. Kuha ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Naospital ang 13 katao matapos makalanghap ng usok na may halong kemikal nang masunog ang stock room ng isang sports complex sa Koronadal City Huwebes ng hapon.

Ang mga biktima - 9 na estudyante at 4 na instructor - ay dinala sa South Cotabato Provincial Hospital matapos mahilo at nahirapang huminga.

Ayon sa mga doktor ng ospital, ligtas na ang mga biktima at kailangan lang na manatili ng ilang gabi sa pagamutan para maobserbahan.

Kuwento ng mga biktima, nakarinig sila ng pagsabog sa loob ng stock room ng South Cotabato Sports Complex pasado alas-5 ng hapon.

Nakatambak roon ang iba't ibang kemikal na ginagamit panglinis ng swimming pool.

Nagkataon namang naroroon sila para magsanay sa paglalangoy.

Ayon kay FO1 Joric Abalos ng Bureau of Fire Protection - Koronadal City, posibleng humalo sa mga kemikal ang tagas ng tubig mula sa bubong ng stock room kaya nagkaroon ng reaksyon.

Tinatayang nasa P15,000 ang iniwang pinsala ng sunog. - ulat ni Francis Canlas, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.