'Hindi pa kailangan': DOE tutol sa mga hirit na taas-pasahe

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 06:51 PM

Naniniwala ang Department of Energy (DOE) na hindi pa panahon para magtaas ng pamasahe ang mga pampublikong sasakyan sa kabila ng pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo.

Gayumpaman, nagsasagawa na ng pag-aaral ang gobyerno upang makatulong sa mga tsuper na umaaaray na sa sunod-sunod na taas-presyo sa langis.

Inalala ni Pasang Masda transport leader Obet Martin ang "Pantawid Pasada" ng administrasyon noong 2012, na ayon sa kaniya ay isang malaking kapalpakan.

Aniya, ginawa na lamang niya itong souvenir dahil karamihan sa mga naibigay sa kanilang mga tsuper ay wala namang lamang pera.

Pero ang pamunuan ng Department of Transportation (DOTr), wala umanong balak ibalik ang programa dahil maaari itong pag-ugatan ng korapsiyon.

Ang DOE, nakikipag-usap na sa mga oil companies na palawakin pa ang mga discount para sa public utility vehicles.

Tingin ng ahensiya, hindi pa panahon para magtaas ng pamasahe.

"Base lamang sa pagtataas ng mga prices under the TRAIN law, naniniwala kami na hindi muna iakyat ang mga pamasahe dahil una, ito pong TRAIN law mismo, meron po siyang mitigating mechanisms," paliwanag ni DOE Assistant Secretary Leonido Pulido III.

Ibinase nila ang posisyon sa presyo ng diesel sa pagitan ng 2014 at 2016, kung saan sumipa sa ito sa P49 pero hindi naman nagtaas ang presyo ng bigas at pasahe.

Iprinesinta rin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na noong 2008, sumipa naman sa P52 ang diesel pero nasa P8.50 lang ang pamasahe ng jeep.

"We need to be guided because it has a social impact kaya we want to hear from the commuters' group din," ani LTFRB Board Member Aileen Lizada.

Sunod-sunod ang naghain ng petisyon na magtaas ng pasahe, kabilang na ang jeep, Grab at Uber, na didinggin ng LTFRB sa susunod na buwan.

--Ulat ni Jacque Manabat, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.