Ano ang parusa sa nang-torture ng menor de edad?

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 06:23 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Maaaring maharap sa habambuhay na pagkakakulong ang mga alagad ng batas na mapatutunayang nanakit ng mga menor de edad.

Tinalakay sa programang "Usapang De Campanilla" nitong Huwebes ang Republic Act No. 9745 o "Anti-Torture Act" kaugnay sa insidente ng dalawang pulis sa Davao City na nakita sa CCTV na nanakit ng mga menor de edad na nahuling lumabag sa curfew.

"Kapag ang biktima ay bata, maituturing itong qualifying circumstance ... ipinapataw ang pinakamabigat na parusa na reclusion perpetua, habambuhay na pagkakakulong," ani Atty. Noel Del Prado.

Iginiit ni Del Prado na ipinagbabawal ng Anti-Torture Act ang labis na pagpapahirap o pagmamalupit ng mga person in authority o agent of a person in authority.

May karampatang parusa rin daw na ipinapataw ang batas para sa mga lumalabag kaya hindi na kailangang pagmalupitan pa ng isang alagad ng batas.

"Hindi kailangang manggaling pa sa ating mga alagad ng batas na inaasahan ng lahat na sila ang magtataguyod at unang-unang susunod sa ating batas," anang abogado.

Bukod sa parusang makakamit dahil sa torture o labis na pagpapahirap o pananakit, maaari pang panagutin ang isang alagad ng batas kapag may iba pa itong inilabag na batas.

"Halimbawa, kung hindi tama ang pag-aresto," sabi ni Del Prado.

Bukod umano sa pisikal na pananakit, maituturing din na torture ang anumang kilos na maaaring makapinsala sa emosyonal at mental na kalagayan ng isang tao.

Halimbawa ay kapag puwersahang pinapanood sa isang indibidwal ang pagmamalabis sa kaniyang mga kaanak.

Isinailalim nitong Huwebes sa restrictive custody ang dalawang pulis sa Davao City.

Kuwento nila, madalas umanong masangkot sa pagnanakaw at gulo sa barangay ang mga batang kanilang sinaktan.

Nais lang umano nilang turuan ang mga ito ng leksiyon.

Bukod sa paglabag sa Anti-Torture Law, sinampahan din ng kasong grave misconduct at paglabag sa Anti-Child Abuse Law ang dalawang pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.