2 miyembro ng robbery group, arestado sa ilegal na droga

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 09:54 AM

Kuha ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Naaresto ang lalaking nagbebenta ng droga at babaeng taga-repack umano nito sa operasyon ng awtoridad sa Barangay Pasong Tamo, Quezon City nitong Huwebes ng gabi.

Dala ang search warrant para sana sa isang miyembro ng notoryus na robbery with homicide group na nambibiktima sa lungsod, pinasok ng PNP District Special Operations Unit (DSOU) ang lugar.

Nakatakas ang kanilang target, pero naabutan naman sa aktong pagtatarya ang dalawang naaresto na miyembro ng grupo

Agad pinosasan si Noel Fernando alyas Bognot at si Evelyn Gutierrez.

Narekober mula sa kanila ang ilang sachet ng hinihinalang shabu, marijuana, drug paraphernalia, at .38 revolver.

Aminado si Fernando na kasali siya sa pangho-holdap sa Quezon City, ngunit nagsisilbi lang aniya siyang lookout. 

Sila rin umano ang nagsusuplay ng droga sa 3 barangay sa siyudad, kabilang na ang Barangay Pag-asa, Holy Spirit, at Commonwealth.

Inamin din ni Gutierrez na kasali siya sa pagbebenta ng ilegal na droga. Kuwento nito, bagong pasok lang siya sa grupo at droga lang ang raket nito.

Ayon sa mga pulis, nagpapalit-palit ng raket ang mga suspek depende sa pangangailangan.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at illegal possession of firearms ang mga suspek. - ulat ni Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.