2 menor de edad, ginapos at binaril

Albert Lumbera, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 05:42 PM | Updated as of Feb 02 2018 06:44 PM

Nahaharap ang magkapatid na Eric Liquido at Ceasar Liquido sa kasong frustrated murder matapos pagbabarilin ang 2 menor de edad na nagtangkang pagnakawan ang kanilang tindahan sa Calamba City.

Ginapos at binaril ng mga may-ari ng isang tandahan sa Calamba City ang mga menor de edad na nagtangka umanong looban ang kanilang tindahan nitong Martes ng madaling araw, ayon sa pulisya.

Naka-confinengayon sa ospital ang dalawang menor de edad matapos silang igapos at pagbabarilin ng dalawang magkapatid na may-ari ng tindahan.

Isinakay daw ang mga biktima sa sasakyan ng mga suspek, binaba sa isang madilim at madamong lugar kung saan sila pinagbabaril.

“Nung mahuli nila, ginapos dinala dun sa boundary ng putinglupa at yun dun na sinagad binaril, so happened nabuhay," ani Police Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Calamba City Police.

Dahil daw sa pag-aakalang patay na ang mga ginapos na menor de edad, iniwanan ng mga suspek ang mga ito pero sa kabutihang palad ay may nakakitang residente sa mga biktima at agad silang dinala sa ospital.

Pareho namang nagtamo ng mga malulubhang tama ng bala sa kanilang tagiliran at likod ang mga biktima. Ang isa sa kanila’y nasa intensive care unit.

Nang matanggap ng pulisya ang impormasyon kaugnay ng insidente, agad nilang tinugis ang mga suspek.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Eric Liquido at Ceasar Liquido na positibong kinilala ng mga biktima.

"Stable condition na, so tinuro niya kung sino yung mga taong involved," ani Maclang. “Umamin naman sila yung bumaril."

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga suspek na nahaharap sa kasong frustrated murder.

Desidido naman ang magkapatid na magsampa ng kasong pagnanakaw laban sa mga menor de edad.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.