MAYNILA — Naging instant milyonaryo ang isang Pinoy store manager sa Dubai matapos siyang manalo ng higit P223 milyong jackpot prize sa lottery doon sa unang subok lang.
Solong maiuuwi ng 34 anyos na overseas Filipino worker na si Russel Reyes Tuazon ang jackpot prize na 15 milyong Dirhams o higit P223 milyon ng Emirates Draw.
“Hindi ako makapaniwala,” kuwento ni Tuazon sa TeleRadyo nitong Martes noong malamang naka-jackpot siya sa lotto. “Paggising mo iba na ‘yung buhay mo.”
Sa kabila ng pagkapanalo, walang balak si Tuazon na umuwi sa Pilipinas dahil sa kaniyang trabaho sa Dubai.
Binili ni Tuazon ang winning ticket, na nagkakahalaga ng 15 Dirhams, noong Enero 13. Nag-draw rin ito sa kaparehong araw.
Ani Tuazon, sinubukan niyang tumaya dati sa lotto sa Pilipinas mga isa o dalawang beses pero hindi siya nananalo.
“Nataon lang po talaga na lucky 15, sabi nga nila,” sabi ni Tuazon. “Kasi 15-15 po talaga ‘yung number: Fifteen years [na ako] sa Dubai, 15 Dirhams po ‘yung in-spend, tapos 15 million [Dirhams] po ‘yung grand prize na napalanunan.”
PLANO SA PREMYO
Sabi ni Tuazon, prayoridad muna niya sa ngayon ang kaniyang asawa't nag-iisang anak. "'Yung sa health insurance nila, sa eskuwelahan."
Pinag-iisipan rin niya ang pagtatayo ng negosyo. At nang tanungin kung may balak siyang bumili ng mamahaling kotse gamit ang napanalunang premyo, sabi niya, "Wala pa po sa isip natin 'yan. Ang nasa isip ko po ngayon is kung papaano palalaguin 'yung pera.
"Hinay-hinay muna sa mga desisyong gagawin," dagdag niya. "Kailangan pag-isipan po talaga. Marami pong puwedeng gawin sa premyong ibinigay nila."
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.