PatrolPH

Immigration personnel, iniimbestigahan matapos malusutan ng gadgets

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2023 08:14 PM

Bureau of Immigration
Umabot sa 6 na iPhone ang nakumpiska sa isang Japanese national habang nakapiit ito sa loob ng pasilidad ng Bureau of Immigration, ayon kay DOJ Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla. Bureau of Immigration

Nagsagawa na ng imbestigasyon ang pamunuan ng Bureau of Immigration (BI) sa mga tauhan nito sa Camp Bagong Diwa matapos silang malusutan ng sangkaterbang gadgets gaya ng cellphone.

Sabi ni BI Spokesperson Dana Sandoval, regular naman ang sorpresang inspeksiyon pero aminadong may kaugnayan ito sa pinakahuling raid sa 4 na Japanese detainees na nahulihan ng mga communication devices sa loob ng detention facility.

"We have conducted several inspections but siguro similarly medyo related rin ito sa 'Luffy' case because there was concerns about the warden facility natin,” sabi ni Sandoval.

Una nang sinabi ni Justice Secretary Jesus Crispin "Boying" Remulla nitong Martes na isa sa mga nakapiit na Japanese doon ang nakuhanan ng 6 na iPhone sa kanyang pag-iingat.

Bureau of Immigration
Raid sa detention facility ng BI sa Bicutan, Taguig, Martes ng madaling-araw. Bureau of Immigration

Ayon kay Sandoval, dahil sa nadiskubreng mga kontrabando sa loob ng kanilang detention facility, may mananagot na tauhan nila sakaling mapatunayang may sala.

“Definitely mayroon pong investigation, ongoing kung paano nagkaroroon ng ganitong gadget and paraphernalia inside the facility so there will be full investigation dito po sa ating warden facility because really it’s been going on doon... Kada raid natin may nakukuha tayo na ganitong mga gamit and we see it as a perennial problem that has to be immediately addressed,” ani Sandoval.

Pinag-aaralan na ng immigration bureau ang posibleng mga pananagutan ng mga tauhan nito. 

“Inaaral po natin kung may sala or mayroong connivance with foreign nationals who might be attempting na magpasok noong mga prohibited items. Kung makita po natin na mayroong responsible dito, then definitely Commissioner [Norman] Tansingco will not hesitate na bigyan ng aksiyon ito,” pagtitiyak ni Sandoval.

DEPORTATION NI ALYAS “LUFFY” 

“Doon po sa 4 na mga foreign nationals, ang key suspects natin ay sina [alyas] “Luffy” at sila po ay may deportation order na talaga... inaantay lang po natin ang resolution. Dalawa po sa [mga Japanese nationals] ay may pending na kaso locally so inaantay po natin ang resolution noon. Once na makumpleto na ang requirements, they are ready for deportation,” sabi ni Sandoval.

Ayon pa sa tagapagsalita ng BI, walang gastos sa deportation ng mga foreign nationals ang pamahalaan dahil dapat sagot ito ng mismong deportee. Kung talagang wala aniyang kakayahan ang deportee na gumastos para rito ay sinasagot ito ng kanilang embahada.

“Generally speaking for foreign nationals ang deportation kinakailangan, una sa lahat 'yung travel document, pangalawa is their ticket (outbound ticket) at pangatlo 'yung NBI clearance to prove and to show na wala na silang local cases here in the Philippines,” ani Sandoval. 

“We are really fully cooperating with the DOJ na mapabilis po talaga ang pag-iimplement nitong deportation,” dagdag niya. 

SIKSIKANG DETENTION FACILITY

Aminado naman ang Bureau of Immigration na siksikan din ang mga bilanggo sa kanilang detention facility sa dami ng mga dayuhang nakapiit dito. 

Sabi ni Sandoval, sa ngayon mayroong tinatayang mahigit 300 foreign nationals ang nakapiit sa kanilang pasilidad.

“To be honest it’s really an open secret naman talaga that our detention facility is already too small para i-accommodate lahat ng foreign nationals doon. Ngayon po, there are currently more than 300 foreign nationals detained in our facility and its capacity is only more than a hundred,” pag-amin ni Sandoval. 

Isa rin umanong dahilan ang kakulangan sa espasyo sa pasilidad kaya nila minamadali ang deportation ng detainees.

Nagpapatagal aniya rito ang kinakaharap na criminal cases ng detainees sa bansa, na kailangan aniya munang maresolba bago maipatupad ang deportation. 

BAYAD PARA MATANGGAL SA BLACKLIST?

Mariing itinanggi ng Bureau of Immigration na mayroong bayad ang pagtatanggal sa pangalan ng mga dayuhang inilagay o napasama sa blacklist ng kawanihan. 

Una nang lumutang sa pagdinig ng Senado na nagkalat online ang mga alok sa mga dayuhan para umano matanggal ang kanilang pangalan sa blacklist kapalit ng hanggang P5 milyon. 

“It’s really a cause for concern, Ito po ay hindi tino-tolerate ng ating opisina and we actually have released warnings before informing the public that these are illegal scams na nagpo-proliferate online. These are not sanctioned by the Bureau of Immigration and we really warned the public not to accept the offers dahil madalas ito po ay scams,” babala ni Sandoval. 

Maaari lamang aniyang matanggal sa blacklist ang pangalan ng isang dayuhang sa pamamagitan ng pagsusumite ng kaukulang motion for reconsideration na idadaan pa sa mabusising pag-aaral ng BI. 

“Definitely we’re looking into it and we’re trying to see kung mayroong mga concrete na mga subjects na maaari nating masundan at maimbestigahan para mabigyang linaw tayo dito sa mga kaso na ito,” sabi ni Sandoval.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.