CAVITE — Isinagawa nitong Miyerkoles sa bayan ng Tanza ang voter information caravan at town hall meeting para sa special election sa ika-7 distrito ng Cavite sa Pebrero 25.
Ito ay para punan ang bakanteng puwesto ng distrito sa Kamara matapos itong iwan ni Jesus Crispin “Boying” Remulla na itinalagang kalihim ng Department of Justice.
Kandidato ang anak ni Remulla na si Crispin Diego o “Ping” na nagsilbi ring board member ng distrito, at tumatakbo sa ilalim ng National Unity Party.
Kalaban niya sina dating Trece Martires Mayor Melencio "Jun" De Sagun, at independent candidates Jose Angelito Aguinaldo at Michael Angelo Santos.
“Mahalaga po ito dahil hanggang sa ngayon, walang representative ang 7th district ng Cavite,” ani Commission on Elections (Comelec) Spokesperson John Rex Laudiangco.
“Kailan pong merong magpaparating sa kongreso ng mga batas at iba pa, ng mga hinaing at pangangailangan ng 7th district. Malaki po ang populasyon nila dito kaya po kailangan ma-represent po ito doon sa ating Kongreso.”
Ayon kay Laudiangco, sakaling matalo ang nakababatang Remulla, maari pa siyang makabalik bilang board member.
Pero kung manalo siya, mababakante ang kanyang posisyon ngunit wala nang mangyayaring halalan at maga-appoint na lang ang pangulo ng kapalit.
Noong Enero 11, sinimulan na ng Comelec ang pag-imprenta ng balota para sa special elections, kung saan inaasahang 355,184 botante ang lalahok mula sa mga bayan ng Amadeo, Indang, Tanza, at lungsod ng Trece Martires.
Sa Pebrero 15 at 16 naman ang final testing at sealing sa mga balota, ganon din ang testing sa Vote Counting Machines.
Tulad ng May 2022 polls, automated election system ang pagboto, pagbibilang at canvassing ng boto, gamit ang VCMs at Consolidation and Canvassing System.
Tatagal hanggang Pebrero 23 ang kampanya ng mga kandidato.
Nasa P30 milyon ang inilaan na pondo para sa special election sa Cavite.
Valenzuela
Muli ring maglalabas ng pondo ang Comelec para sa inaasahang special election sa Valenzuela City matapos italaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) si 1st District Rep. Rex Gatchalian.
Hinihintay na lang ng Comelec ang certification mula sa Kamara na bakante na ang posisyon doon ni Gatchalian.
“Kailangan po nating masunod ang Constitution na may representative po dapat talaga ang kada legislative district,” ani Laudiangco.
“Titingnan nila kung may pondo ang Comelec na natitira, doon po maaring kunin iyan. Kung wala naman, ‘yan po ay nangyayaring nanghihingi kami ng special appropriations,” dagdag niya.
Tinatayang aabot ng 6 na buwan ang paghahanda para sa special election.
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.