Natagpuan ng concerned citizen nitong Sabado ang bangkay ng sanggol na inaanod sa Kabulig River sa bayan ng Jasaan, Misamis Oriental.
Kwento ni Bayan Patroller Inday Dela Peña, pamangkin niya ang unang nakakita sa bangkay na palutang-lutang sa ilog, kaya agad silang tumawag ng mga rescuer at pulis.
"Bagong panganak pa yung sanggol kasi may umbilical cord pa at bago pa lang talaga siya inanod kasi mapula pa talaga yung mukha ng bata," ani Dela Peña.
Kinuha niya sa ilog ang walang saplot na sanggol, at nalamang babae ito. Nakumpirma nila at ng mga dumating na pulis na wala na itong buhay.
Ayon kay Dela Peña, agad siyang kumuha ng damit pambata ng kaniyang anak noon at isinuot ito sa sanggol.
"Sobrang sakit po talaga sa akin bilang isang ina. Kasi sobrang sakit manganak, tapos itapon mo lang yung bata na walang muwang sa mundo," sabi niya.
Iniimbestigahan na ng Jasaan Municipal Police kung disgrasya o may kapabayaan ba, o di kaya'y sinadya ang nangyari sa sanggol.
Patuloy rin nilang kinikilala ang mga magulang o kamag-anak ng sanggol.
"Tandaan po natin na sa ilalim ng Presidential Decree No. 603 o Child and Youth Welfare Code, every child is endowed with dignity and worth of a human being from the moment of his conception, as generally accepted in medical parlance, and has, therefore, the right to be born well," ayon sa pahayag ng Jasaan Municipal Police.
Ayon sa Bayan Patroller, dinala nila at ng mga pulis ang sanggol sa isang simbahan para mabendisyonan ng pari at agad itong inilibing.
-- Ulat ni Hernel Tocmo
BALIKAN
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.