PatrolPH

Hazardous wastes sa labas ng ospital sa Lucena inireklamo

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2022 07:35 PM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA — Malabundok na ang taas ng mga nakatambak na hazardous hospital waste na nasa compound ng Quezon Medical Center sa Lucena City.

Hindi na kinaya ng storage facility ng ospital ang dami ng mga basura kaya umapaw na ito. Sa tagal na walang humahakot nito, kumakatas na ang mga basura.

Nagdudulot na rin ito ng masangsang na amoy lalo na kapag umuulan. 

Malapit lamang ang nakatambak na mapanganib na mga basura sa residential at commercial area na tanging bakod lamang ang pumapagitan kaya apektado na ang mga residente.

Ayon sa pamunuan ng ospital na pinapatakbo ng provincial government ng Quezon, huling bahagi ng nakaraang taon nang magsimula silang magkaproblema sa pagdami ng mga basura.

Doble umano ang volume ng mga hazardous waste na naiipon ng ospital kumpara sa kakayahan ng kanilang treater na integrated sterilizer and shredder machine na nasa 200 kilos kada araw lamang ang kayang iproseso.

Hindi rin umano makolekta ng kanilang contractor ang mga basura matapos magkaproblema sa budget ang provincial government.

Mapapabilis sana ang pagproseso ng mga hazardous waste pero hindi pa magamit ang makina na dumating sa ospital. 

Tiniyak ng pamunuan ng ospital na gumagawa sila ng paraan para mawala ang mga basura.

Inaasahang magsisimula na muling maghakot ng basura ngayong linggong ito ang contractor ng ospital.


—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.