PatrolPH

Mga pamilya namasyal sa mga mall, parke sa unang araw ng Alert Level 2

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2022 05:57 PM

Ngayong ibinalik na sa Alert Level 2 ang National Capital Region, kasabay ng pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19, puwede na ulit isama ang mga bata sa mga mall.

Saktong holiday rin ngayong Martes kaya sinamantala ni Jonathan Gregorio ang pagkakataong makapag-bonding sila ng pamilya.

"Nabalitaan namin na puwede na ang mga bata. Tineyk namin [ang] opportunity na makagala kasama mga bata kasi mahaba 'yong panahon na hindi sila nakagala at tingin naman namin, safe kasi kasama naman kami," sabi ni Gregorio.

Tiwala naman ang mga tao na ligtas na ulit mamasyal dahil mahigpit pa ang pagpapatupad ng health protocols.

"Confident na po at fully vaccinated naman kami," sabi ni Regine Gomonid, na namasyal din sa mall.

Sa ilalim ng Alert Level 2, pinapayagan ang mas mataas na kapasidad sa mga establisimyento.

Sa guidelines na inilabas ng lokal na pamahalaan ng Quezon City, halimbawa, 70 porsiyento ang papayagan sa indoor na dine-in restaurants at personal care services. Nasa 90 porsiyento naman ang kapasidad kung outdoor.

Papayagan namang pumasok sa mga mall ang mga hindi bakunado, basta essential o kailangan ang kanilang gagawin o bibilhin.

Sa pahayag ng SM Supermalls, sinabi nilang suportado nila ang pagbalik sa Alert Level 2 at patuloy silang makikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng mga polisiya.

Tiniyak din ng Ayala Malls na masusunod pa rin ng kanilang mga kostumer at negosyante ang safety protocols.

Ayon naman sa Robinsons Malls, magandang balita ang Alert Level 2 sa maliliit na negosyo sa loob ng kanilang mga mall.

Tiniyak din ng Robinsons na ipatutupad ang guidelines para sa kaligtasan ng lahat.

Base sa guidelines ng Quezon City, may curfew pa rin ang mga menor de edad mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling araw.

Dahil dito, sinamantala na ng maraming bata at kanilang mga kaanak ang holiday para mamasyal.

Sa Quezon Memorial Circle, binuksan na ulit ang open-air playground.

Sa Maynila, kapansin-pansin ding marami nang bata sa Divisoria. 

Bitbit ni Ica Conde ang 2 maliit na anak habang namimili ngayong Martes.

"Ngayon lang talaga lumabas, pinasyal ko rin mga anak ko," sabi ni Conde. 

Pero ayon sa mga nagtitinda sa Divisoria, hindi pa nila dama ang pagdagsa ng mga tao sa ngayon.

Makakatulong anila ang Alert Level 2 dahil mas mapapadali ang pagbiyahe ng mga taga-probinsiya, na madalas lumuluwas para mamakyaw ng mga paninda.

"Sigurado 'yan, dadagsain na naman. Tingin ko 'di pa masyadong maraming tao kasi walang pera," anang tindero na si Leo Layam.

Sa Luneta, hindi pa rin pinayagan ang mga bata, dahil ayon sa security, wala pang inilalabas na guidelines sa kanila tungkol dito.

Sarado naman ang "dolomite beach" pero mayroon pa ring namasyal sa Roxas Boulevard.

—Ulat ni Jervis Manahan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.