Opisina ng courier service sa Legazpi City, nilooban; vault na may P2-M tinangay

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2021 05:12 PM

Kuwento ng security guard sa mga pulis, bigla na lang daw siyang tinutukan ng baril ng 2 lalaki at saka nilagyan ng duct tape. Retrato mula kay Karren Canon


LEGAZPI CITY – Isang tanggapan ng courier service provider sa lungsod na ito ang nilooban ng 'di pa nakikilalang salarin at tinangay umano ang vault na may lamang P2 milyong cash.

Nangyari ang insidente nitong Lunes, bago mag-ala-1 ng madaling araw, ayon sa pulisya.

Ayon kay Police Maj. Rosalio Capile, imbestigador ng Legazpi City Police Station, bandang alas-4 ng madaling araw nang madiskubre sa guard house na naka-duct tape ang bibig, mga kamay ,at paa ng security guard ng kompanya.

Kuwento ng security guard sa mga pulis, bigla na lang daw siyang tinutukan ng baril ng 2 lalaki at saka nilagyan ng duct tape. 

Hindi pa malaman kung paano nakapasok sa main gate ang mga salarin. 

Nilagari umano ng 2 lalaki ang padlock sa main office at saka tinangay ang vault.

Ito ang unang robbery hold-up na naitala sa siyudad ngayong taon. 

Patuloy ang imbestigasyon sa insidente. 

–Mula sa ulat ni Karren Canon

RELATED VIDEO

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.