PatrolPH

Bagong proyekto ng Knowledge Channel target ang mga hirap sa distance learning

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2021 08:01 PM

Watch more on iWantTFC

Sa sahig muna gumagawa ng modules ang 4 na anak ni Manilyn Cristobal sa kanilang tahanan sa San Mateo, Rizal.

Nasalanta ang kanilang bahay sa Bagyong Ulysses noong nakaraang taon at naitayo lang muli sa tulong ng mga donasyon.

Apektado pati ang pag-aaral ng mga anak ni Cristobal.

"Kung tutuusin gusto ko silang pahintuin... naanod ang modules. Hindi ko mapagsabay-sabay... Wala rin akong pinag-aralan, hindi ko alam ang ituturo ko," kuwento niya.

Pangarap ng anak ni Cristobal na si Mark na maging chef pero dahil hirap makasabay sa distance learning, hangad nitong makabalik na sa normal ang kanilang klase.

"Para makahanap ng magandang trabaho, para matulungan po ang pamilya ko," ani Mark.

Ang mga kagaya nina Mark ang matutulungan ng bagong kampanya ng Knowledge Channel na "Tulong-Tulong sa Pag-ahon sa Edukasyon."

"Ang danger kasi na walang gamit ang mga bata, tatamarin mag-aral. Kung magda-drop out siya, tuluy-tuloy na 'yon," ani Doris Nuval, head ng community engagement sa Knowledge Channel. 

Unang nakatanggap ng tulong ang Eulogio Rodriguez Elementary School at San Mateo Elementary School, kung saan nag-aaral si Mark.

Kasama ng mga libro at science magazines ay learner's kits gaya ng backpack na may lamang school supplies.

Kasama sa mga nagbahagi ng donasyon ang Grade 4 student na si Thomas Jacob Guarin.

Ibinigay na lang niya sa mga kapwa estudyante ang higit isang taong ipon sa alkansiya.

"Minsan nanonood din sya sa TV nakita niya 'yong nasalanta ng bagyo... naawa siya," sabi ni Rolando Guarin, lolo ni Thomas Jacob.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.