Sunog sumiklab sa warehouse sa Pandacan; bahagi ng Skyway, bumagsak

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 11:26 AM | Updated as of Feb 02 2020 08:21 AM

MAYNILA (3RD UPDATE) - Sumiklab ang sunog sa isang sa pagawaan ng plastik sa Tomas Claudio Street, Pandacan, Maynila, Sabado ng umaga.

Watch more in iWantTFC

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), itinaas na sa Task Force Bravo ang insidente, ang ikalimang pinakamataas na lebel ng alarma ng sunog.

Nagsimula ang sunog alas-10:36 ng umaga at itinaas sa Task Force Bravo alas-11:05 a.m.

Napapaloob ang planta sa ilalim ng San Miguel Yamamura Packaging Corp., ayon sa Manila Disaster Risk Reduction & Management Office (MDRRMO).

Idineklarang "fire out" ang sunog bandang hapon nang alas-3.

Ayon as Manila Bureau of Fire Protection, mabilis na lumaki ang sunog at pahirapan anila ang pag-apula nito dahil sa mga materyales sa loob ng warehouse. Nakapalibot naman ang pader kaya hindi na ito kumalat pa sa labas ng apektadong pabrika.

Dahil sa laki ng apoy, bumagsak ang bahagi ng ginagawang Skyway sa lugar.

Ayon naman kay Skyway Corporate Communications head Marlene Ochoa, titingnan pa nila kung gaano kalaki ang pinsala ng sunog sa Skyway.

"It's a portion of Skyway Stage 3 parapet that was damaged. Stage 3 is still under construction and therefore, not operational. We are still assessing the extent of damage," ani Ochoa sa pahayag.

Patuloy namang kinukumpirma ng BFP kung may nagwe-welding sa lugar bago naganap ang malaking sunog.

Tinitingnan din nila kung nadamay sa sunog ang kalapit na riles ng tren at bahagi ng Zamora Bridge.

Wala namang nasaktan sa sunog at patuloy ang imbestigasyon, pagtatalaga ng halaga ng pinsala at pagtuklas sa tunay na pinagmulan nito.

- May ulat nina Johnson Manabat, Henry Atuelan at Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.