PatrolPH

Delivery boy patay sa pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 11:01 AM

Dead on the spot ang isang delivery boy matapos itong pagbabarilin ng hindi kilalang salarin Sabado ng madaling araw sa Quezon City. 

Sa Ignacio Diaz St., Barangay San Martin De Porres natagpuan ang duguang katawan ni Michael Keyser Magpantay, 29 anyos, na nagtamo ng dalawang tama ng bala. 

Ayon kay Florentino Magpantay, ama ng biktima, pauwi na ang kaniyang anak bandang alas-3 ng madaling araw at naglalakad papasok sa Ignacio Diaz St. nang mangyari ang pamamaril 

Kuwento naman ni security guard Alvin Romero, nakakita sa pangyayari, 2 lalaki na sakay ng isang motorsiklo ang bumaril sa biktima. 

Bumaba umano ang lalaking naka-angkas at ito ang nakipag-agawan sa gamit ng biktima. Akala umano ni Romero, nag-aaway lang ang dalawa pero bigla umano siyang nakarinig ng dalawang putok ng baril. 

Bumagsak ang biktima habang sumakay muli ang angkas sa motorsiklong naghihintay at tumakas patungong EDSA.

Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nawawala ang cellphone ng biktima. 

Hinala ng ama na hinoldap ang kaniyang anak. Wala umano itong nakakaaway at wala pang masamang record sa barangay. - Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.