Binakbak, pero di tinapos? Road expansion project sa Antipolo inireklamo

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 06:26 PM | Updated as of Feb 01 2020 06:51 PM

Binakbak ang daan na ito sa Nayong Silang Subdivision pero ilang taon na itong nakatiwangwang, na nagdudulot ng abala sa mga residenteng nakatira sa area. Screengrab

MAYNILA—Abala at perwisyo ang idinulot ng isang road project sa isang subdivision sa Antipolo City matapos itong matengga nang ilang taon.

Taong 2017 nang sinimulan ang road expansion project sa M.L. Quezon Extension na sumakop sa bahagi ng Macopa Street sa Nayong Silang Subdivision sa Antipolo.

Binakbak ang daan pero ilang taon na itong nakatiwangwang, na nagdudulot ng abala sa mga residenteng nakatira sa area.

"Kasi 'yung kalye namin sinira nila, 'yung drainage namin nawala. So for the past 2 years we've been experiencing this disaster, hindi namin siya madaanan nang maayos," hinaing ng residenteng si Jonathan Tupaz.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sabi naman ni Angel Alburro, isa pang residente: "Three years na itong nakatengga. Sabi nila papatagin pero pagpunta mo sa dulo kita mo talaga di naman talaga nila ginawan ng paraan."

Desperado na ang mga residente kaya't sumulat na raw sila sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Antipolo City.

Tinungo ng "Tapat Na Po" ang city hall ng Antipolo at sabi ng city engineer, na-delay ang proyekto dahil 3 beses lumabag sa kasunduan ang kontraktor ng proyekto.

Hinahanda na nga raw nila ang pagsasampa ng kaso laban sa kontraktor.

Pangako naman ng DPWH, sisikapin nilang matapos ang proyekto ngayong Pebrero.

"We told the contractor na tututukan namin 'yung project na ito and by February 2020 hopefully tapos na siya," ani Anna Mae Lamentillo, spokesperson ng DPWH.

Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng "Tapat Na Po."

—Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.