Permanenteng pagbago ng mall hours, hirit ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 07:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Posibleng irekomenda ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na gawing permanente ang pagbabago ng mall hours at pagbabawal ng mga sale sa mga malls sa EDSA na ipinatupad noong Kapaskuhan.

Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, irerekomenda nila ito sa Metro Manila Council, na siyang mag-aapruba ng panukala.

Bukod daw kasi sa trapiko tuwing payday, malaki ang naging epekto ng ginagawang linya ng MRT-7 sa Elliptical Road na nagdudulot ng pagsisikip sa mga daang palabas at papasok rito.

Naitala rin daw ang bahagyang pagbilis ng mga usad ng mga sasakyan sa EDSA nang ipatupad ang adjusted mall hours noong 2017.

Base sa kanilang datos, nasa 17.44 kilometro kada oras ang travel speed sa EDSA noong Setyembre 2017. Pero nang simulan daw ang extended mall hours noong Nobyembre 29, bumilis sa 19.06 kilometro kada oras ang bilis ng biyahe sa EDSA - na mas mataas ng 9.29 porsiyento.

Ayon kay MMDA Supervising Officer for Operations Bong Nebrija, noong holiday season pa nila inasahang lalala ang trapiko, ngunit hindi raw ito nangyari.

"We were expecting the worst noong Christmas holidays because of the 20 percent influx of additional vehicles pero hindi nangyari 'yun," ani Nebrija, na tumatayong EDSA traffic chief.

Dagdag niya, ire-regulate nila ang mga mall na magkakaroon ng sale tuwing weekend.

May epekto rin daw kasi ang pagkakaroon ng sabay-sabay na mall sale sa trapiko sa EDSA, na binabaybay ng nasa 400,000 sasakyan kada araw.

Kasabay nito, ginagawan na ng paraan ng MMDA ang pagkakabarado ng North Avenue palabas ng EDSA at Elliptical Road - na siyang daluyan din ng MRT construction.

-- Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.