'Mga suicide bomber nasa likod ng Jolo blast'

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 03:17 PM | Updated as of Feb 01 2019 08:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) MAYNILA -- Suicide bombing ang nangyaring pambobomba sa Our Lady Of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu na ikinamatay ng 22 katao at ikinasugat ng higit 100 iba pa, ayon sa mga awtoridad ngayong Biyernes. 

Sinabi ni Sulu provincial police director Senior Superintendent Pablo Labra II na base ito sa pinagsama-samang resulta ng kanilang imbestigasyon at mga testimonya ng mga testigo. 

Ayon daw sa mga testigo, lumalabas na isang babae at lalaki ang nakitang pumasok sa simbahan. Naiwan umano sa loob ng simbahan ang isang babaeng may suot na jacket at bitbit na bag habang lumabas ang lalaki na hindi malinaw kung saan pumunta. 

Bago sumabog ang bomba, ang nasabing babae ang nakita umano ng mga testigo na nasa lugar kung saan nangyari ang unang pagsabog. 

Ayon naman kay Interior Secretary Eduardo Año, Indonesian couple ang nasa likod ng mga pambobomba at ang gumabay sa kanila ay mga miyembro ng bandidong grupo na Abu Sayyaf. 

"Ang talagang nagpasabog du'n ay Indonesia suicide bombers. Pero 'yung mga Abu Sayyaf ang nag-guide sa kanila, nag-aral ng target, nag-reconnaissance, surveillance at inihatid 'yung mag-asawa doon sa loob ng simbahan," ayon kay Año. 

Kinukumpirma nito ang unang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga suicide bomber ang nasa likod ng naturang pambobomba.

Nauna nang inako ng teroristang grupo na Islamic State (IS) ang nangyaring atake. 

Sinilip din ng militar ang pagkakadawit ng bandidong grupo na Abu Sayyaf sa insidente matapos ituro ang kanilang Ajang-Ajang faction bilang isa sa mga pangunahing suspek. 

Magugunitang lumapit sa mga awtoridad ang apat na persons of interest, kabilang ang isang alyas "Kamah" na sinasabing kapatid ng isang Abu Sayyaf leader para linawin na wala silang kinalaman sa pambobomba. 

Samantala, mula sa 21 patay, umakyat sa 22 ang bilang ng binawian ng buhay. Nasawi ang biktima na si Thelma Villanueva, 68, sa Intensive Care Unit ng Zamboanga City Medical Center. 

KINONDENA NG MGA MUSLIM 

Watch more in iWant or TFC.tv

Naniniwala ang National Commission on Muslim Filipinos na hindi mga tunay na Muslim ang mga nagbomba sa Mindanao. 

Ito raw ay dahil labag sa kanilang relihiyon ang manakit ng kapwa at manira sa mga simbahan. 

"In Islam, killing an innocent person is a crime against humanity. Only these misguided extremists are capable of doing this dastardly act," ani Saidmanen Pangarungan, secretary ng grupo. 

Tiniyak naman ng Islamic religious group na Ulama and Imam of the Philippines na karamay nila ang komunidad ng mga Muslim sa pagbabantay sa ano mang banta na maaari pang pumasok sa bansa. 

Dahil sa insidente, hinigpitan ang seguridad sa ilang simbahan, partikular na sa Nazareno at Grand Mosque sa Quiapo, kahit pa walang banta sa seguridad sa Kamaynilaan. 

Pinaalaahanan din ang mga deboto na huwag nang magdala ng mga malalaking bag tuwing magmimisa. 

Nanawagan ang Philippine National Police na maging mapagmatyag kasunod ng nangyari. 

-- May ulat nina Ron Gagalac at Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.