Mag-asawa patay matapos salpukin ng trak sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 01:34 AM

TUPI, South Cotabato - Patay ang isang mag-asawa matapos salpukin ang kanilang sinasakyang traysikel ng isang trak sa Tupi, South Cotabato Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga nasawi na sina Eliezer Sencio at misis nitong si Marivic. Sugatan naman ang kanilang kasamahan na si Alguimad Guerrero.

Agad sumuko sa mga awtoridad ang drayber ng trak na si Reynaldo Tribujenia. Kuwento niya, nawalan umano ng preno ang sasakyan. Hindi rin umano siya makabusina.

Base sa imbestigasyon, unang binangga ng trak ang isang traysikel pero nakaligtas ang mga sakay nito matapos silang tumalon.

Nakaladkad nito pagkatapos ang traysikel kung saan sakay ang 3 biktima. Tumilapon ang mag-asawa at nasagasaan ng trak.

Tuloy-tuloy pa ang takbo ng trak hanggang sa mahulog sa kanal sa highway ng Barangay Crossing Rubber na mahigit 1 kilometro ang layo mula sa banggaan.

Papuntang Koronadal City ang trak para ihatid ang kahon-kahong alak. Nangako naman ang may-ari ng trak na tutulungan ang mga biktima.

Mahaharap si Tribujenia sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide, physical injury, at damage to property.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.