PatrolPH

Dahil sa kalusugan: Dating spox Harry Roque aatras sa halalan

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 03:21 PM | Updated as of Feb 01 2019 07:47 PM

Watch more News on iWantTFC

Inanunsiyo ni dating presidential spokesperson Harry Roque na hindi na siya tatakbo sa senatorial elections sa Mayo 2019 dahil umano sa kaniyang kalusugan. 

Bago magtanghali ngayong Biyernes ay natanggap na ng Law department ng Commission on Elections (Comelec) ang statement of withrawal ni Roque bilang kandidato sa pagkasenador. 

Nakasaad dito na sumailalim siya sa isang medical procedure nitong Lunes matapos madiskubre na mayroon siyang angina coronary disease, o kakulangan sa oxygen sa puso na maaaring magdulot ng atake. 

Sinabi ni Comelec spokesman Director James Jimenez na kapag nakompleto na ang procedural requirements ng withdrawal ni Roque, saka lang tatanggalin ang pangalan nito sa balota.

Sa isang panayam sa DZMM, sinabi ni Roque na tingin daw ng kaniyang doktor ay mas mainam na magpagaling na muna siya bago sumabak sa pangangampanya. 

Sa isa namang pahayag nagpasalamat si Roque sa mga sumoporta sa kaniyang pangangandidato. 

"Whatever they may think of my politics, those who have seen my work in both the public and private sector can attest to what I would have brought to the Senate," aniya. 

Matapos ang kaniyang anunsiyo na tatakbo siya bilang party-list representative ng Luntiang Pilipinas, nagpasiya si Roque na tumakbo sa pagkasenador. 

Matatandaang nag-alangan si Roque sa kaniyang pagtakbo matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na wala siyang tsansang manalo. 

Si Roque ay kumandidato sa ilalim ng People’s Reform Party (PRP), na dating partido ng namayapang senador na si Miriam Defensor-Santiago.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.