ALAMIN: Mga dapat gawin kapag nakakita ng posibleng pampasabog

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 08:10 PM

Hindi maiwasan ng marami na mabahala matapos ang magkakasunod na insidente ng pagsabog sa Mindanao.

Bunsod nito, nagbahagi ang ilang eksperto sa mga pampasabog ng mga dapat gawin sakaling makakita sa pampublikong lugar ng mga kahina-hinalang bagay.

Kapag nakakita ng kahina-hinalang gamit na iniwan kung saan-saan, mainam na huwag umano itong galawin dahil kung ito nga ay pampasabog, maaari itong ma-trigger, ayon kina Senior Inspector Teodoro Bombase Jr. at Senior Superintednent Joel Consulta.

Magduda rin daw kung makatatanggap ng mga hindi inaasahang package na walang nakalagay na pangalan ng nagpadala.

"Laging maging kalma lang and always away from that suspected package, and ang ating golden rule is huwag nating ita-touch, huwag nating io-open," sabi ni Bombase sa panayam ng ABS-CBN News.

"Kung may napapansin tayong mga bagay, gamit, bag o mga kahon or ano mang bagay na abandoned na iniwan na lang basta sa isang tabi, huwag nating (papakialaman)," ani Consulta.

Paliwanag ni Bombase, may iba-ibang paraan para mapasabog ang isang bomba.

Mayroon umanong de-orasan na kusang sasabog kapag pumalo na sa oras, may pasabog na puwedeng i-trigger gamit ang cellphone o radyo, at may "victim activated" na kapag nagalaw ng biktima ay sasabog.

Kapag may sumabog na sa kinaroroonan, payo ng mga pulis, lumayo agad kung kaya.

Huwag umanong maglagi sa nasirang gusali para maiwasang mahulugan ng debris tulad ng salamin o semento.

"I recommend doon sila sa mas open area," ani Bombase.

Umiwas din sa mga abandonang sasakyan na malapit sa lugar ng pagsabog dahil posible umanong may kasunod na bomba na tinanim.

"'Yong second IED (improvised explosive device), 'yon ang mas nakakatakot, mas malakas," ani Bombase.

Kung may nakitang kahina-hinalang tao bago nangyari ang pagsabog, ipagbigay alam agad ito sa mga pulis.

Makatutulong din umano kung tatandaan ang ilang palatandaan sa katawan ng posibleng suspek, gaya ng nunal, balat, tattoo, hugis ng mukha, at hitsura.

Magsumbong din agad sa mga pulis kung may pakiramdam na may posibleng pasabog sa lugar.

"Makipagtulungan po agad kayo sa ating mga kapulisan," ani Consulta.

"Tine-treat po natin as A-1 information, wala pong mawawala sa kapulisan o sa amin, trabaho po namin 'yan. Lahat po ng bagay na puwede naming aksyunan na nire-report ng mga tao, aakysunan namin 'yan kahit maging negative 'yan," dagdag ni Consulta.

Maaari ring tumawag sa police hotline o national emergency number na 911.

-- Ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.