3 magkakabarkada, patay sa pamamaril sa South Cotabato

Francis Canlas, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 03:51 AM

TUPI, South Cotabato - Patay ang 3 magkakabarkada matapos pagbabarilin ng hindi pa kilalang salarin sa Barangay Poblacion, Tupi, South Cotabato Huwebes ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Denver Hipe, Ernemel Jancan, at Jun Jun Heguera.

Ayon sa isang testigo, biglang binaril ng gunman si Hipe pasado alas-6 ng gabi. Pumalag si Jancan at tinulak ang salarin pero binaril din siya. Sunod namang binaril si Heguera.

Tumakas ang gunman sakay ng motorsiklong minamaneho ng kasamahan nito. Hindi ito namukhaan dahil nakasuot ng balaclava.

Dead on the spot si Jancan. Naitakbo pa sa magkahiwalay na pagamutan sina Hipe at Heguera, pero binawian din ng buhay.

Ayon sa ina ni Hipe, kakatapos lang maglaro ng mga biktima ng basketball. Nakagawian na nilang magtipon-tipon sa lugar para mag-inuman at magkuwentuhan.

Para sa ina ni Jancan, nadamay lang ang kaniyang anak. Wala umano itong atraso kahit kanino.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo ng krimen.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.