2 sugatan sa pagguho ng riprap sa Cagayan de Oro

Angelo Andrade, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 04:45 PM

Gumuho ang bahagi ng riprap sa isang bahay at simbahan na ikinasugat ng dalawa sa Cagayan de Oro City. Angelo Andrade, ABS-CBN News


CAGAYAN DE ORO CITY - Dalawa ang naiulat na sugatan nang madaganan ng gumuhong riprap ang isang bahay at simbahan sa Barangay Tablon dito sa siyudad, Huwebes ng gabi.

Isang bahay na gawa sa light materials ang napilitang gibain ng contractor para hindi na madamay pa sa pagguho.

Ayon kay Gemafel Bantuto, patulog na sana sila nang makarinig ng malakas na dagundong mula sa malalaking bato sa gumuhong riprap.

Halos sira ang likurang bahagi ng kaniyang konkretong bahay.

Wala na ring natira pa sa simbahan ng Alfas Independent Missionary Church na nadaganan ng mga bato.

Pansamantalang nakatira rito ang dalawang senior citizen na sina Salvacion Fabiana at Precundo Simbahon.

Mabuti na lang at nakalabas sila nang mapansing yumayanig na ang simbahan.

"Kakain na sana kami matapos akong magluto, nakita nung kasama ko na may mga bato na kaya sabi niya sa akin tumakbo na," sabi ni Fabiana.

Dinala sila sa ospital matapos magtamo ng minor injuries.

Ayon naman sa Department of Public Works and Highways (DPWH), parte ng ginagawang diversion road ang riprap at naka-kontrata ito sa Equi-Parco.

"Yung assessment nag-collapse 'yung upper portion sa stone masonry dahil hindi pa masyadong seasoned 'yung itaas na portion. Habang nagta-trabaho sila 'yung sa daan naman, may enbankment na ginagawa din, so apektado siya sa vibration kaya nag-collapse," sabi ni Vinah Jean Maghinay, tagapagsalita ng DPWH sa Region 10.

Siniguro din ng DPWH na ang contractor ang magbabayad sa danyos sa insidente.

Inirekomenda rin nila ang pagbago sa disenyo para masigurong magiging matibay ang riprap at ligtas ito sa mga residente. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.