PatrolPH

2 iniuugnay sa pagsabog sa mosque sa Zamboanga, nakulong na dati

Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 04:13 PM

ZAMBOANGA CITY - Dati nang may mga kaso ang dalawang itinuturong persons of interest sa pagpapasabog sa isang mosque dito sa lungsod noong Miyerkoles kung saan dalawa ang namatay. 

Ayon kay Senior Supt. Thomas Joseph Martir, hepe ng Zamboanga City Police Office, mga kasong murder ang kinaharap ng mga ito ngunit nakalabas ng kulungan noong 2017.

“May mga record sila ng murder cases pero nakalabas lang ng kulungan noong 2017. So nung sumabog 'yun, silang dalawa ang nakita kumaripas palabas onboard motorcycle," sabi ni Martir.

Hindi na muna pinangalanan ang mga ito dahil inaayos pa ang kasong isasampa sa kanila.

Dagdag pa ni Martir, taga-Zamboanga City ang mga suspek pero hindi na matukoy sa ngayon kung nasaan na ang mga ito.

Pinaniniwalaan din na miyembro ang mga ito ng isang criminal gang at pinagtripan lang ang mga noo'y natutulog sa loob ng mosque.

"Parang trip-trip lang, parang mga criminal gang dito. 'Yung sa motive hindi pa natin malaman kung ano pero parang nakikisakay lang kasi may mga dating record ang mga ito,” paliwanag ni Martir.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang mahanap ang mga suspek at mabigyan ng hustisya ang mga namatay at nasugatan sa insidente.

Ang pagsabog sa Zamboanga ay naganap ilang araw lang makalipas ang magkasunod na pambobomba sa Jolo cathedral, kung saan 22 ang namatay at higit 100 ang sugatan. 

Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, hindi magkaugnay ang dalawang insidente. 


 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.